Sa gitna ng banta ng global warming at mga isyung pangkalikasan, isang napapanahong katanungan ang binitiwan ng Simbahan sa mga mamamayan ukol sa estado ng kanilang pagsunod sa isa sa kanilang mga responsibilidad—ang maging tagapangalaga ng Inang Kalikasan.
“[N]apakaganda kung ating mapagnilayang mabuti, ito ba ay nagampanan natin bilang katiwala sa lahat ng mga nilikha ng Diyos? Nagampanan ba natin ang [isa sa] ating mga tungkulin?” ang bahagi ng homiliya ni Rev. Fr. Pepito Rollo, rector, Immaculate Concepcion Parish (ICP) sa idinaos na ecology mass sa besperas ng kapistahan ng Puerto Princesa City.
Aniya, maaaring ang isasagot ng ilan ay isang malaking tandang pananong at ang nakalulungkot pa ay ang katagang “Hindi!”
Sa ngayon umano, sa halip na pahalagahan at pangalagaan ng tao ang nag-iisa niyang tahanan ay kanya pang sinisira.
Tahasang inihayag ng Rektor ng ICP na si Fr. Rollo na ito ay dahil “naghari [na] sa puso ng tao ang pagkamakasarili dala ng kasalanan.”
“Dahil sa kasalanang ‘yan, di lamang nagkaroon ng disharmony kundi nagkakaroon ng pagkawalang-bahala ng tao sa pagkasira ng kalikasan….[Dapat natin itong pagyamanin] sapagkat sa lahat ng mga nilikhang ito, naroon ang larawan ng Diyos,” aniya.
LAYUNIN NG ECOLOGY MASS
Ipinaalaala niyang kaya nagsasagawa ng ecology mass ay upang muling tanungin ng publiko ang kanilang mga sarili kung paano pinahahalagahan ang mga bagay na ipinagkatiwala ng Dakilang Lumikha gaya ng yamang-tubig, yamang-lupa o ang lahat ng mga nasa kapaligiran.
“Kaya sa ating pagdiriwang na ito, we pray, at hindi lamang tayo nagdarasal kung hindi, pagsumikapan natin na ating gampanan ‘yung papel nating ito bilang ‘stewards of the nature,” mensahe ni Fr. Rollo. Mithiin din umano nitong pukawin ang damdamin ng mga mga mamamayang kristiyano sa pagprotekta sa ekolohiya. “Bilang katiwala, inaasahan sa tao na kanyang alagaan ang mga ipinagkatiwala sa kanya….Kayang alagaan, pagyamanin at pahalagahan, ‘yan ang ang mga bagay na dapat ang isaisip ng isang katiwala [ng mundo],” dagdag pa niya.
PANALANGAIN NA INGATAN ANG EKOLOHIYA
Sa Salmong Tugunan, ilan sa mga idinalangin ng sambayanan ay para sa mga pinuno ng Simbahan gaya nina Pope Francis, Bishop Socrates Mesiona ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa, mga kaparian, mga relihiyoso at mga layko na nawa’y magtulungan sila sa pangangalaga at pagtatanggol sa mga likas na yaman ng kalupaan at karagatan.
Kalakip din ang panalangin para sa lahat ng mga pinuno ng bansang Pilipinas na nawa’y magbigay sila ng higit na pagpapahalaga sa kapayapaan at pagkakaisa upang mailigtas ang ating ekolohiya laban sa malawakang paninira habang sa mga sangay ng pamahalaan at Non-government Organization na naatasan sa pangangalaga ng mga likas-yaman, lalo’t higit sa probinsiya ng Palawan na nawa’y maging modelo sila sa pagsasabuhay sa mga mithiin na pangalagaan ang Inang Kalikasan ayon sa kanilang tungkulin at tumanggi sa di maka-kristiyanong pamumuhay.
Sa mga naghihirap, mga magsasaka, mga mangangalakal at miyembro ng Oplan Linis, nawa’y maging matatag umano sila sa pagharap sa mga sitwasyong mapaghamon at maging instrumento sa pananatili ng kaayusan ng likas-yaman.
Sa mga miyembro ng Bantay-Dagat naman, ang usal na panalangin ng bayan ay ingatan nila ang mga likas yamang-dagat at huwag silang gumamit ng mga paraan na nakasisira ng kalikasan. Itinaas din sa Poong Lumikha na nawa’y maging aktibong tagamasid ang mga kabataan at maging masipag na tagapangalaga sa dignidad sa buhay ng himpapawid, sa kalupaan at higit sa karagatan.
Sa mga nagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan naman sa lipunan, hiniling na bigyan sila ng Panginoon ng biyaya ng katatagan ng loob upang magkaroon sila ng tamang desisyon sa pagkakasakatuparan sa kanilang mga obligasyon at sinumpaang-tungkulin.
Habang para sa mass media, idinalangin na nawa’y maging instrumento sila sa paglalaganap sa kampanya sa pagtatanggol sa Inang Kalikasan sa pamamagitan ng paghahatid ng tama at balanseng pagsulat sa tunay na kalagayan ng ekolohiya.
SIMBOLIKONG PAG-AALAY
Sa Banal na Pagtitipon ay nagkaroon naman ng simbolikong pag-aalay. Ang kandila na sumisimbolo sa liwanag ni Kristo ay inihandog nina CENRO Felizardo Cayatoc at PENRO Eriberto Saños habang ang bulaklak na sumasagisag sa pagbubunyag ng Diyos sa kanyang sarili at sa kagandahan ng kanyang mga nilikha ay inialay nina Oplan Linis Manager Andrew Manlawe at City ENRO Carlo Gomez.
Ang tubig na sumasagisag sa sangkatuhan ay ibinigay ni PCSD Staff Executive Director Nelson Devanadera habang ang alak na sumisimbolo sa dugo ni Kristo ay inialay nina City Mayor Lucilo Bayron at Palawan Gov. Jose Chaves Alvarez.
Si Provincial ENRO Noel Aquino ang nag-alay ng tinapay, ang sumisimbolo sa ating sarili na handang magbagong buhay habang si Provincial Fishery Officer for Southern Palawan Mario Basaya ng BFAR Fisheries Office ang naghandog ng isda at mga lamang-dagat.
Mula naman kay Philippine Ports Authority-Palawan Acting Manager Elizalde Ulson ang mga gulay na sumasagisag ng mga yamang-lupa na ipinagkaloob ng Panginoon upang magbigay ng lakas sa mga mamamayan habang ang mga sobre na naglalaman ng kaunting halaga ay inalay nina Western Command Commander Rene Medina, Coastguard District Palawan Commander Allan Corpuz, at Naval Forces West Commander Renato David.
Matatandaang sa inilabas ni Papa Francisco na kanyang ikalawang encyclical, ang Laudatu Si: on the Care of Our Common Home ay nakapokus ito sa pangangalaga sa kalikasan. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang encyclical ay isang liham ng Santo Papa sa lahat ng Roman Catholic Bishops.
Sa Pilipinas, pinangungunahan ng Simbahang Katolika ang mga panawagan sa mga kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno, partikular sa Administrasyon at sa mga nakaupo sa pwesto na kumilos at tugunan ang mga suliraning pangkalikasan na ang karaniwang unang nakararanas sa negatibong epekto ay ang mga mahihirap. Bilang pagtugon sa Laudatu Si ni Pope Francis, noong 2018 ay nagpalabas ng pastoral letter si dating Bishop Pedro Arigo ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa ukol sa mariing pagtutol na maitayo ang planta ng coal sa Palawan, ang tinaguriang “Last Frontier” ng bansa.