Lubos na pinagbabawal ang pagpatay sa mga buwaya ito ang laging paalala ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) sa taumbayan partikular na sa mga residente na malapit sa lugar kung saan mayroong mga buwaya.
Ayon kay PCSD Spokesperson Jovic Fabello, may naitala na silang insidente sa Balabac, Palawan kung saan gumanti ang pamilya ng biktima ngunit matapos mapatay ang buwaya umano ay walang nakita na tao sa loob mismo ng tiyan nito kung kaya’t mahigpit ang kanilang kampanya para dito dahil nanganganib narin maubos ang lahi ng mga buwaya partikular na sa lalawigan ng Palawan.
“Mayroon nang insidente na ganyan sa Balabac…itong pamilya gumanti ay may napatay na buwaya…noong tingnan nila ay kasi dapat kung iyan ang nakakain dapat mayroong mga buto-buto diyan na maiiwan sa tiyan so noong tiningnan yong laman ng bituka ay wala naman…so meaning yong napatay nilang buwaya ay hindi naman yong nakakagat o kumain doon sa kanilang kaanak,” paliwanag ni Fabello.
“So iyan yong kino-caution natin dito sa ating mga kababayan sa Palawan na hindi tayo basta-basta [na] pag may nakitang buwaya [at] akala natin ay yon na ay papatayin natin kaagad,” dagdag pa ni Fabello.
Base kasi sa Section 2 ng Republic Act 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”, ipinagbabawal ang pagpatay ng mga buwaya upang mapanatili ang balanse sa kalakisan at ipinagbabawal din ang paghuli at pag-benta ng mga ito.
“Kasi nga ayon sa batas ayon sa Wildlife Act sy binibigyan natin ng sapat na proteksyon yong mga ganitong species ito nga yong mga ganitong threatened species na,” saad ni Fabello.
“And just incase na mangyari iyon…ang nakakatakot nga kasi diyan ano ay baka yong papatay ng buwaya ay siya pa yong mapatay ng buwaya ulit,” ani ni Fabello.
“And ang mahirap pa sa sitwasyon na ito ay hindi nila malalaman sa dami nga ng buwaya sa lugar na iyan…kung siya [buwaya] talaga yong pumatay doon sa biktima…unless makita natin na kagat-kagat parin niya hanggang ngayon yong katawan ng biktima,” dagdag pa ni Fabello.
Base naman sa bagong pag-aaral ng PCSD sa lugar ng Canipaan River, tinatayang na sa 61 ang populasyon ng mga buwaya sa nasabing lugar.
“Yong latest survey diyan sa Canipaan River…based on observation mayroong nakita diyan na 33 na buwaya pero may extrapolation pa na ginawa diyan may formula pa na compute so sa lumalabas na sa 61 talaga diyan yong population ng buwaya diyan sa Canipaan River that is based sa 2017 survey,” ani ni Fabello.
“So 2017 [at] 2022 na ngayon mayroong tendency na mga maliliit pa diyan noon ay lumaki narin ngayon…so bawat kilometer diyan sa River ay may isang buwaya na dominante at may kanya-kanyang teritoryo iyan at mayroon talagang mga dominant na mga buwaya…but among those dominant na mga buwaya sino doon ang kumain?,” dagdag pa ni Fabello.
Samantala, aminado naman ang PCSD na hirap silang matukoy ang pagkakakilanlan mismo ng buwaya na sumakmal sa isang 10 taong gulang na Grade 5 student na lalaki sa Brgy. Canipaan Rizal, Palawan dahil hindi naman umano tulad ng sa tao ay madaling matukoy ang itsura dahil ang mga buwaya umano ay halos pare-parehas ng mga mukha kung kaya’t maging mahinahon at ipaubaya na lamang ang ganitong insidente sa mga kinauukulan.