Exclusive

Pagiging aktibo sa Anti-Drug campaign, pangunahing motibo sa pagpaslang kay Kap. Aperocho ayon sa pulisya

By Hanna Camella Talabucon

November 10, 2020

Ang pagiging aktibo umano sa laban kontra droga ng yumaong punong barangay ng Poblacion, Narra na si Kapitan Roderick Aperocho ang nakikitang pangunahing motibo ng mga kapulisan ng Narra sa pag-paslang sa nasabing opisyal.

Ito ay ayon sa hepe ng Narra Municipal Police Station (NMPS) na si PMAJ Romerico Remo sa panayam ng Palawan Daily sa kaniya ngayong araw ng Martes, Nobyembre 10, 2020.

“Ito ‘yong nakikita nating pangunahing motibo sa krimen kasi matagal nang involved sa aming mga operasyon si Kapitan Aperocho,” ani Remo.

Bagaman bago pa man maging kapitan si Aperocho ay matagal na itong aktibo sa laban kontra droga sa munisipyo, ayon kay Remo.

Madalas rin umanong sumama ang kapitan sa mga anti-drug operation ng kapulisan bago pa maging hepe ng Narra si Remo, ayon sa kaniya.

“Bago pa ako naging hepe dito sa Narra, nasa PDEU pa ako noon at hindi pa rin siya naha-halal bilang kapitan, lagi na naman siyang kasama sa mga operasyon lalo’t dito sa munisipyo ginaganap,” ani Remo.

Dagdag nito, maraming beses na ring naging testigo sa korte si Aperocho sa mga kasong ukol sa droga mula noon hanggang sa mga panahon bago siya paslangin.

“Napakarami na niyang [dinalohan] na hearings usually sa mga naging operations namin. Ito ‘yong tinitingnan namin kasi maaring mayroong nakalipas na kaso na tumayo siya bilang witness tapos binalikan siya ng involved,” ani Remo.

Sa ngayon ay kinakalap ng Narra MPS ang mga listahan ng mga kasong hinawakan ni Aperocho mula noong siya ay naging aktibo sa mga anti-drug operations. Dito umano sila magsisimula ng imbestigasyon at paghimay ng mga ebidensiya, ayon sa hepe.

Samantala, inaasahan namang matutukoy ng pulisya ang salarin o mga suspek at kanilang mabibigyan ng hustisya ang nangyaring pamamasalang sa 39 anyos na opisyal.