Nakasama sa Sampung Ulirang Nakatatanda (SUN) Awards ngayong taon sina Josefina Lusoc at Lily Odi bilang pagpaparangal ng Coalition of Services of the Elderly, Inc. sa kanilang mga natatanging kontribusyon sa kanilang mga komunidad.
Ayon sa DSWD MIMAROPA, si Josefina, o Manang Jo, ay 91 taong gulang at isang pangunahing guro sa Tinagong Dagat, Narra, Palawan. Natulungan niya ang mahigit 30 estudyante na makatapos ng pag-aaral sa loob ng 41 taon ng pagtuturo.
Dagdag pa rito, siya rin ay pangulo ng Senior Citizen’s Association mula pa 1997 hanggang kasalukuyan. Sa kaniyang pamumuno ay nakapag patayo sila ng isa sa mga pinakamagandang Senior Citizens Center sa Narra. Naging presidente rin siya ng Coconut Farmers Association sa loob ng limang taon.
“I am a hard-working woman, ang mga bagay na ginawa ko ay hindi para sa akin, pero sa lahat ng kasama ko sa Tinagong Dagat,” kwento ni Manang Jo.
Sa kasalukuyan, sinasanay niya ang mga susunod na lider kung paano ipagpapatuloy ang kaniyang mga ginawa sa pagpapaunlad ng Tinagong Dagat.
Si Lily Odi naman ay isang 71 taong gulang na community leader mula Brooke’s Point, Palawan. Kinakitaan siya ng lubos na dedikasyon na makatulong sa kanilang komunidad bilang isa sa mga lider ng Indigenous Community, Barangay Nutrition Scholar, Presidente ng Rural Improvement Club, at Presidente ng Senior Citizens Association.
Ilan sa kaniyang mga naging kontribusyon sa komunidad ay ang pagsisikap na mairehistro ang mga katutubo sa National Commission for Indigenous People (NCIP), magkaroon ng ID ang mga senior citizen para makatanggap ng tulong pang-pinansyal mula sa lokal na pamahalaan at mga ahensya, at maisaayos ang kalusugan, pangkabuhayan at pagpapataas ng kaalaman at kamalayan ng mga miyembro ng komunidad sa kanilang karapatan at benepisyo.
Binigyang-pugay naman ng DSWD MIMAROPA sina Manang Jo at Lily pati na rin ang ibang taga-Palawan na SUN Nominees na sina Leonila Garcia mula sa Brooke’s Point at Reynaldo Abad mula sa Roxas.