Wala nang balak bumalik sa pulitika si dating Palawan Governor Abraham “Baham” Mitra dahil sa lagay umano ng pulitika na mayroon ngayon sa Palawan.
Sa eklusibong panayam kamakailan ng “Story Café” dito sa Palawan Daily News, inihayag ni Mitra na hindi na niya nakikita ang sarili na babalik sa paglilingkod sa bayan lalo na kung magiging basehan ng pagboto ng marami ay pera.
“Parang feeling ko politics in Palawan has changed, before it used to be a fellowship, debates and camaraderie, you know parang they respect and they love the leader, and they vote according to what they have done and what they can do. Money politics has gone into the stream of Palawan and it’s very disappointing, every elections millions and billions of pesos go into the blood stream of the economy, and people are swayed by so much money, nabubulag and change the way they think and what they believe in,” ani Mitra
Hindi rin pinalagpas ni Mitra ang mga isyung ikinakabit sa kaniyang pangalan gaya na lamang ng mainit na awayang pulitikal sa bayan ng Narra kung saan idinadawit umano siya ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Gerandy Danao.
“May mga tao pa rin na walang ginawa kundi siraan ako ng siraan, kung anu ano sinasabi nila kay Kongressman, Kay Governor, siguro hindi na sila pinapansin kasi walang kalaban kaya ako ng ako ang ginagamit, tulad yung kay Mayor Danao na ako daw ang nasa likod nung pag appoint ng municipal engineer, eh hindi nga kami magkakilala no’n, kaya napag iinitan si Mayor Danao at yung mga nakapalibot daw kay Mayor Danao mga tao ko daw, at si Mayor Danao daw nag pledge na tutulong sa pagbabalik ko, ang sagot ko lang dyan, wag naman po kayo masyado praning, nanahimik kami, pabayaan nyo na lang kami to live a quiet and simple life, pag isipan nyo po at tingnan nyo yung mga taong nakapalibot sa inyo baka po tinatakot lang kayo at ginagamit ako para pansinan nyo sila,” dagdag ni Mitra.
Masasabing kuntento na aniya siya ngayon sa kanyang karera bilang Chairman ng Games and Amusement Board, at malaking tulong aniya sa kanyang liderato dito ang kanyang karanasan bilang dating Kongresista at Ama ng Palawan ng mahabang panahon.
“I have served our people already, as I mentioned 12 years na tayo sa public service and I have served the people well, maybe they just miss me, maybe I miss them more, but I’m still around, before the pandemic I spent almost two weeks in Palawan,” sabi pa ni Mitra.
Ganoon pa man, nakahanda pa rin aniya siyang tumulong sa abot ng kanyang makakaya sakaling kailanganin pa rin ng mga taga Palawan ang kanyang serbisyo.
“I miss Palawan, I miss everybody, our friends and relatives and supporters and also our past opponents, we have moved on, we want to work together, if there’s anything that I can be of assistance sa inyo at sa iba’t ibang grupo, nandito lang po kami, patuloy lang ang serbisyo sa bayan,” saad pa ni Mitra.
Kahit may pandemya patuloy pa rin si Mitra bilang Chairman ng GAB, isang regulating agency ng mga professional sports sa bansa. Umuupo rin sya sa mga Inter Agency Task Force meeting sa pamahalaang nasyunal lalo na sa usaping pampapalakasan, at kung paano ang gagawing new normal sa palakasan tulad ng basketball, boxing at football na pinayagan ng maka-ensayo at maglaro alinsunod sa iba’t ibang patakaran para makatulong na di kumalat ang COVID-19.