Feature

Panghihikayat ay tigilan, layuan ang kabataan

By Christopher Jorquia

November 20, 2020

“Hands off our children!”, ika nga ng mga magulang na naglaho ang mga anak na parang bula mula sa kanilang kalinga.

1969 pa lamang, ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ay unti-unti nang nagpapakilala sa Pilipinas. Ang layunin o ang motibo sa pagbuo ng grupo ay iisa lang – ang magtatag ng isang sistemang Marxist sa Pilipinas kung saan ito ay pamumunuan ng mga manggagawa at malaya sa impluwensya ng Estados Unidos. Ang pagbuo ng grupong ito ay isa rin sa naging dahilan kung bakit nagdeklara ng Martial Law ang dating Pangulong Ferdinand Marcos noong September 21, 1972 sa bisa ng Proclamation No. 1081.

Ang gobyerno ay hindi perpekto, ngunit isa na ba itong makabuluhang rason upang pabagsakin ang gobyerno? Alam ng lahat na hindi makatarungan ang lumaban sa gobyerno tulad ng ginagawa ng mga CPP-NPA-NDF, dahilan kung bakit maraming tao ang tunay ngang galit na galit sakanila. May karapatan ang lahat na magreklamo ngunit hindi kailangan lumaban sa batas at gobyerno.

Kilala ngayon ang samahang “Hands Off Our Children,” samahan ng mga magulang kung saan ang kanilang mga anak ay napabilang sa mga na-recruit ng CPP-NPA-NDF bilang karagdagang miyembro ng kanilang grupo. Ang grupong Hands Off Our Children ay nagbibigay din ng payo sa mga kapwa nila magulang na nabiktima rin.

Maganda ang naisip ng mga magulang na magkaisa para sa mga anak nila. Magandang magdamayan sila nang sa gayon ay mapag-usapan nila ang mga magagandang aksyon na maaari nilang gawin sa mga pangyayaring ito. Ngunit palaisipan sa kanila kung bakit nagustuhan ng mga bata o mga estudyante na sumali sa kanilang grupo. Kung iisipin, alam ng lahat na hindi maganda ang layunin ng mga grupong ito.

Ayon sa mga magulang, at ayon na rin sa mga taong dating kasapi ng armadong grupo, ang mga anak daw nila ay hinihikayat na sumama para sa mga iba’t ibang aktibidad ng grupo at kalaunan sa isang “immersion” kung saan inaakyat nila ang mga bata sa bundok upang matuto. Ngunit ang hindi nila alam, sila ay makakabilang na sa grupong CPP-NPA-NDF at hindi na makakabalik sa kanilang mga pamilya. Masakit para sa isang magulang na mawalay sa kanila ang kanilang mga anak, lalo na’t alam nilang hindi mapapabuti ang kanilang mga anak.

Hindi makatarunangang ilayo ang anak sa isang magulang, lalo pa at mali ang impormasyon na alam nila sa kung ano talaga ang gagawin sa anak nila. Wala ring katuturan ang turuan ang mga bata kung paano maging rebelde sa tao at sa kanilang mga magulang. Ayon sa mga magulang ng mga bata, sinabi raw sa kanila na tanggapin na lang nila na naging rebelde na ang anak nila at wala na silang magagawa pa. Kahit kailan, hindi mo pupuwedeng diktahan ang isang magulang dahil alam nila kung ano ang mas makakabuti at ang mga hindi makakabuti para sa mga anak nila.

Gayunpaman, kahit na para sa CPP-NPA-NDF ay mayroon silang “magandang dahilan” kung bakit nila nagagawang magrebelde sa bansa, mas marami pa ring mga Pilipino ang naniniwalang mali ang kanilang ginagawa. Maling diktahan ang mga tao sa kung ano ang gagawin nila. Gawin mo ang gusto mo at maniwala ka sa gusto mo ngunit kahit kailan ay huwag mong lokohin at pilitin ang isang tao upang maniwala rin sa mga pinaniniwalaan mo.