The Taal Volcano erupted last Sunday, January 12, 2020, emitting volcanic ash that affected CALABARZON, Metro Manila, and nearby regions. Photo courtesy of @madelfab/Twitter

Feature

Taal – Relatively High Unrest: Ang Pangangamba sa Mata ng Kabataang Palaweño

By Peter Policarpio

January 30, 2020

Kasabay ng patuloy na pagbugso ng galit ng Bulkang Taal sa Batangas ay ang pagbabalik tanaw ng mga Palaweñong nakaranas ng ash fall na umabot sa probinsiya noong 1991 dulot ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo na gumimbal sa buong mundo, ngunit ano nga ba ang pananaw ng mga kabataang Palaweño na hindi pa danas ang mga epektong hatid ng pagsabog ng bulkan sa kasalukuyang pagalboroto ng Taal?

Sariwa pa sa alaala ng mga Pilipino ang magarbo at makulay na pagsalubong ng bagong taon na punong-puno ng mga malalakas at magagandang paputok at pailaw na nagbigay sigla sa taong 2020, ngunit ilang araw lamang ang lumipas, Enero 12, ay sabay-sabay sinaksihan ng sambayanang Pilipino ang nakakatindig balahibong ulap ng usok na bumura sa kulay ng bagong taon.

Halos tatlong dekada na ang nakalilipas nang balutin ng mala-niyebeng abo ang ilang parte ng Palawan matapos ang pagsabog ng Pinatubo na naghatid ng suliranin sa mga Palaweño. Isa rito ang dulot nitong panganib sa kalusugan lalong-lalo na sa mga taong mayroong nang iniindang kumplikasyon sa baga dagdag pa ang mga abong naipon sa mga bubungan ng mga kabahayan kaya gayon narin ang pagaalala ng mga residente ng probinsiya dahil hindi malabong maulit ang nasabing trahedya.

Ibinaba na sa Alert Level 3 o Relatively High Unrest ang bulkang Taal mula sa Alert Level 4 o Hazardous Eruption Imminent. Ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level sa bulkan dahil pagbaba ng lebel ng aktibidad nito. Ayon sa anunsyo mula sa January 26 8:00AM Taal Volcano Bulletin ng Phivolcs, ang pagbaba ng alert level sa bulkan ay hindi nangangahulugang nawala na ang posibilidad ng “hazardous explosion” kundi, nabawasan lamang ang tyansa nito.

“Alert Level 3 means that there is a decreased tendency towards hazardous explosive eruption but should not be interpreted that unrest has ceased or that the threat of a hazardous eruption has disappeared,” saad ng Phivolcs.

Dahil dito, hindi maialis sa isipan ng ilang Palaweño ang peligro ng posibleng malakihang pagsabog ng Taal at ang maaring maging epekto nito sa Palawan sa kabila ng humigit kumulang 500 kilometrong layo ng bulkan mula sa sentro ng Puerto Princesa City. Malayo at ligtas man sa kasalukuyang pag-aalboroto ng Taal, pangangamba ang nanaig sa isipan ng maraming kabataang Palaweño.

“Maaaring malayo ang kinaroroonan ko mula sa bulkang Taal pero ang malaki at malakas na pagsabog nito ay pwedeng makaapekto sa kalusugan ng mga tao dulot ng ashfall o pag ulan ng abo dito sa Palawan at sa iba pang mga probinsiya. Liban pa roon, maaaring maging sanhi ito ng malawakang pinsala sa kapaligiran, tirahan at pangkabuhayan ng mga kalapit lugar at nasasakupan nito, na ayaw nating mangyari sa mga kapwa natin Palaweño at Pilipino,” saad ni Kaye Anne F. Simeon, magaaral ng BS in Petroleum Engineering sa Palawan State University (PSU).

“Nangangamba ako kasi malaking posibilidad na magkaroon ng ash fall at umabot dito sa Palawan dahil sa malakas na pagsabog. Katulad ng sa Mt. Pinatubo noon na nagkaroon din ng matinding ash fall. Baka ganoon rin ang mangyari kung tuluyan mang sumabog ang taal,” ani ni Armand Caleb Delos Reyes, magaaral ng BS in Psychology sa PSU.

Hindi man direktang apektado ang Palawan sa pagalboroto ng Bulkang Taal, importante paring maging handa sa posibilidad ng malakihang pagsabog at sa peligrong maaring hatid nito. Ang pagkakaisa at pagtutulungan sa harap ng panganib na dala ng mga unos ay ang magsisilbing kalasag ng sambayanang Pilipino upang bumangon mula sa mga pagsubok.