Ilang kaugaliang Pilipino ang masasabing mula sa mga Tsino na mas nauna pang nakarating ng Pilipinas kumpara sa mga Kastila.
Ngayong Undas, karaniwan sa pamilyang Pinoy ang may kaugalian at pamahiing isinasagawa kapag sumasapit ang ganitong mga araw gaya ng paghahain o pag-aalay ng mga pagkain, alak, sigarilyo, at bulaklak sa mahal sa buhay na namayapa na, hawig sa seremonyang ginagawa rin ng mga Filipino-Chinese.
Ayon kay G. Tomas “Choi” Tan, isang negosyante sa lungsod ng Puerto Princesa na ang pamilya ay dumating sa siyudad noong huling mga taon ng pananakop ng mga espanyol sa Pilipinas, napakalakas ng paniniwala ng mga Chinese sa incarnation sa kabilang buhay.
“Ang mga nakaugalian ng mga Americans, [o ng] Western [part ay maghandog ng] flowers, candles [sa mga yumao nilang mahal sa buhay]; sa mga Chinese iba. Sa mga Chinese, kapag araw ng undas, [mga] pagkain, pati alak ang offering,” ani G. Tan. “Pero after ng ceremony, inuuwi nila [ang mga] ‘yun, kinakain [din] nila ang mga pagkain.”
Mayroon din umano itong kasamang pera “para sa mga patay.” “Yan ‘yung papel na parang may pinturang silver o gold sa ibabaw, ‘yan tinutupi ‘yan, niro-roll parang ‘yung old Chinese money—na hindi coin kundi parang bangka. Tapos ‘yan, sinusunog sa sementeryo,” aniya. Kinuwento rin niya ang personal na karanasan noong siya ay nasa ikalawang taon pa lamang sa kolehiyo na kung saan, nagsagawa umano ng ritwal ang pamilya ng napakayaman niyang tiyuhin sa Kamaynilaan.
Kumuha umano ang pamilya ng kanyang tiyuhin ng limang Tsinong monghe. Sa seremonya, ang isa ay nakaupo sa gitna na natakpan lamang ng divider at kurtina habang ang apat ay nasa tabi niya, nagdarasal at nagsusunog ng salapi at insenso.
“Siguro after treinta minutos, ‘yung [gitnang] monk nagsalita—boses ng uncle ko, pati ‘yung kanyang expression ng kanyang pagmumura, kuhang-kuha niya! Lahat kami kinilabutan. Tapos sinabi niya na ang kanyang apo nang mamamatay, nakuha ng iba. So, ‘yung kanyang pera naubos [daw] para mabawi ang apo. So, pag-uwi rito ng mga anak niya, isang linggo, nagsunog ng pera sa Chinese Cemetery at saka incense,” ayon pa kay G. Choi.
May mga kaibigan naman umano siyang banyaga noon at tinatawanan siya sa kanilang mga kaugalian. “Nakita nila ang offering na [mga] pagkain, tinanong nila ako, sabi nila ‘Can the spirit of your departed ones, eat the foods?’ Sabi ko, ‘It’s the same, your departed ones cannot also smell your flowers.’ It is only a tradition,” nakangiti pa niyang kwento.
Nauso rin umano sa kanila ang pagpapa-cremate sa mga labi ng mga yumao at dinadala ang abo sa bahay upang doon itago. Nilalagay umano ito sa isang altar at pinaiilawan ng 24 oras sa buong araw at 365 araw sa loob ng buong taon, kasama ang pagsisindi ng stick na may insenso at internal flame na puno ng vegetable oil. Nag-aalay din umano sila roon ng mga prutas at mga kendi para sa mga kaluluwa ng mga batang yumao.
May kaibhan din umano ang mga Filipino-Chinese sa Palawan kaysa sa Maynila, lalo na umano ang mga mayayaman na kapag undas ay nagsusunog ng modelo ng barko, eroplano, o kotse para sa mga mahal nila sa buhay na nauna na sa kabilang buhay.
“Nangyari sa akin ‘yan noong hindi pa ako Christian. Noong namatay ang anak naming bunso, napanaginipan ko siya. Mayroong lake, siya sa kabila, ako sa kabila, tinatawag ko hindi siya makatawid. Wala siyang masakyan. Ngayon, sa kakabyahe-byahe, nakakita ako sa eskwelahan, [ng isang] model…ng bangka, ngayon binili ko P150. Pag-uwi ko, inalay ko roon [sa anak ko] pero hindi ko na siya napanaginipan [pa],” aniya.
Bagamat sa ngayon umano, karamihan sa mga Tsinong naninirahan sa lungsod, kabilang ang kanilang pamilya na miyembro na ng relihiyong Christ Commission Fellowship (CCF) ay hindi na umano sinusunod ang mga nakaugaliang iyon.
“Katulad sa amin ngayon, sa pamilya namin na Christian na, we do not believe [anymore] in the old Chinese [traditions] na nakakain nila (mga kaluluwa) ang mga pagkaing inalay mo, [na kailangang] sinusunugan mo sila ng pera….We [only] believe [now] in Jesus Christ,” paliwanang ni G. Tan.
Magkagayunpaman, nanatili namang dinadalaw nila kada taon ang mga pumanaw ng mga kaanak at iba pang miyembro ng pamilya.
Sa araw na iyon, Oktubre 31 ay gumayak na si G. Tan upang dalawin sa Memorial Park sa Brgy. San Jose ang yumaong dalawang anak na lalaki at apo, dala ay bulaklak at kandila. Ayaw umano niyang sumabay sa dagsa ng tao tuwing All Saints’ day at All Souls’ Day; habang kanina naman ay dinalaw ng kanyang pamilya ang kanyang mga magulang at ang nakatatanda niyang kapatid na lalaki na nakahimlay sa Chinese Cemetery.
Si G. Choi ay apo ng dating kilalang negosyante sa lungsod at lalawigan ng Palawan.
“Ang lolo ko ang kingpin sa Palawan [noon]…he controlled all the businesses, everything—kape, yantok, palay, mais. Kasi sa China, walang mais doon [kaya] nag-e-export sila [roon],” aniya.
Aniya, kilala sa tawag na ‘bahay na bato’ ang bahay ng kanyang lolo na nasa likod na bahagi ng Governor’s residence. “Nag-migrate sila rito, ang lolo ko. Taong 1873, nandito na sila, [at] panahon [iyon ng mga] Kastila.”
Sa kasaysayan naman umano, bago dumaong ang grupo ni Magellan sa Pilipinas ay may ugnayan na ang bansa at mga Tsino sa pamamagitan ng barter trade system. Sa kalaunan, ang iba ay piniling dito na rin nanirahan para sa pagnenegosyo.
Samantala, ibinahagi rin ni G. Tan na isang dating girilya noong panahon ng pananakop ng mga Hapones ang isa sa kanyang mga kapatid ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nila makita ang bangkay nito matapos mapaslang ng mga Hapones sa Brgy. Bacungan, Puerto Princesa City.
“Pinahanap ko ‘yun, di ko makita ang buto. May nag-suggest sa akin na hanapin ang kanyang remains at ilagay sa Mendoza Park at lagyan ng ‘Tombs of the unknown Soldier’ [kaso] di namin makita,” aniya.
Ipinagmalaki naman ng Filipino Chinese na si Tan na sa tagal na ng kanilang angkan sa lalawigan ng Palawan ay mas Palawenyo pa sila sa ibang Palawenyo.