Election

 VCM, AES at iba pang election supplies, dumating na sa Palawan

By Lexter Hangad

April 21, 2022

Dumating na ang mga Vote Counting Machine (VCM) at iba pang mga suplay na gagamitin sa May 9 National and Local Elections sa lungsod noong April 12, 2022, maging sa munisipyo ng Coron, Palawan noong April 15, 2022.

Ayon kay Jomel Ordas, tagapagsalita ng Provincial COMELEC, ang mga dumating na suplay ay ibibigay sa lahat ng mga munisipyo bago ang halalan sa Mayo 9.

“Ang mga supplies na dumating sa Coron para sa Coron provincial hub doon ay para sa municipalities ng Busuanga, Coron, Culion at Linapacan. Ang dumating naman sa provincial hub dito sa Puerto ay para sa rest of the municipalities including Puerto Princesa City except Cuyo, Agutaya and Magsaysay kung saan ang AES equipment and supplies para sa 3 municipalities na ito ay ihahatid direct sa kanila,” pahayag ni Ordas.

Narito naman ang datos na ibinahagi ng Provincial COMELEC ukol dito:

Paliwanag pa ni Ordas, ang bilang ng Clustered Precincts (CP) o bilang ng rooms ng pagbobotohan, ay siyang magiging katumbas umano na bilang ng VCM. Ang CCS (Consolidation and Canvassing System) kit naman ay binubuo ng laptop, printer at transmission device na gagamitin ng mga Board of Canvassers (BOC) sa pag-canvass ng boto at pag-consolidate ng results. Katumbas naman ng CCS kit ang bilang ng city/municipalities natin at ang Provincial Canvassers.

Ang Broadband Global Area Network (BGAN) naman ay para sa mga presinto na mahina ang signal ng internet. Ito ay para ma-transmit ang mga boto mula sa presinto papunta sa city/municipal canvassers. Ang Additional Ballot Boxes (Addtl BB), ay siya namang karagdagang ballot boxes lang sa mga natitirang ballot boxes na maayos pa ang kondisyon at maari pang magamit na nasa pangangalaga naman ng mga city/municipal treasurers na ginamit noong 2016 at 2019 elections.

Samantala, hindi pa malinaw umano sa ngayon kung kailan ang takdang araw ng paghahatid sa mga kanya-kanyang presinto ang mga dumating na VCM.

“Ang sigurado pa lang tayo ay before May 4, 2022, schedule of Final Testing and Sealing (FTS) of VCM dapat maihatid na ng F2 logistics kasama ang mga ballot boxes sa mga polling precincts dahil gagamitin nga sa FTS. Sa CCS kit [naman] before election day dpat nsa BOC na,” ani Ordas.