PDN Stock Photo

Health

Kahit opsyonal na ang pagsusuot ng face mask sa silid-aralan, mga magulang mahigpit pa rin ang bilin sa mga anak

By Claire S. Herrera-Guludah

November 02, 2022

Kapansin pansin pa rin ang pagsusuot ng face mask ng mga mag-aaral sa pagpasok nila sa kani- kanilang mga eskwelahan.

 

Ito ay sa kabila ng pag-anunsiyo ng Department of Education (DepEd) ang pagpapahintulot ng hindi pagsusuot ng face mask sa mga silid-aralan, alinsunod sa bagong panukalang inilabas ng Malacañang kung saan maaari nang tanggalin ng mga estudyante ang kanilang face mask habang umaattend ng in-person classes.

 

Matatandaan na nagpahayag si DepEd Spokesman Michael Poa, susundin ng DepEd ang Executive Order No. 7 at ipatutupad agad ito sa mga paaralan, matapos na nauna nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor areas.

 

Sa panayam ng Palawan Daily sa ilang mga magulang, patuloy pa rin nilang pinagsusuot ng face mask ang kanilang mga anak sa pagpasok sa mga eskwelahan. Mahigpit umano ang kanilang mga bilin na magsuot nito lalo na kung kausap at kasalamuha ang kanilang mga kamag-aral at iba pang tao.

 

Ayon kay Nanay Riza, mula sa Barangay San Jose, “kailangan pa rin ang face mask, lalo na ngayong pabago-bago ang panahon, maraming may sipon at ubo, baka iba na ang dala kung magbabahing ang mga kamag-aral nila, kaya bilin ko laging magsusuot ng face mask.”

 

Sinabi naman ni Mang Dante, isang multicab driver,” palagi ko pa ring binibilinan ang aking mga pasahero na magsuot ng face mask lalo na kung may biglang bumahing o umubo sa kanila, mahirap na kung kakalat ulit ang sakit na COVID.”

 

Sa kasalukuyan, kapansin pansin pa rin ang pagsusuot ng maraming mga commuters o maging mga motorista ng face mask habang nasa kalsada, bukod pa sa mga pampublikong lugar, bagama’t may mangilan ngilang hindi na alintana ang pagsuot nito, mayorya pa rin sa mga mamamayan ang maituturing na mas maingat sa kanilang kalusugan at kaligtasan.