Sa kabila ng mga programang pangkalusugan na ipinagkakaloob ng pamahalaang nasyunal, kailangan ding magkaroon ng inisyatibo ang bawat indibidwal upang ang karamdaman ay maiwasan.
Partikular na tinukoy ni Dr. Ric Panganiban, City Health Officer ng Puerto Princesa, ang sakit sa puso o cardiovascular diseases na maiiwasan kung ang mga tao ay mayroong sariling pangangalaga sa kalusugan o mayroong healthy lifestyle.
Sinabi ni Panganiban, “mayroong programa ang Department of Health na dina-download para sa integrated non-communicable diseases o INCD, nguni’t kailangan pa rin natin ang lifestyle modification.”
Ipinaliwanag ni Panganiban na ang tulong pangkalusugan para sa INCD ay kinabibilangan ng mga sakit na hypertension, diabetes, cardiovascular diseases at iba pang hindi nakakahawang sakit.
“May mga available na doctor para sumuri, may mga gamut na irereseta at ibibigay, nguni’t ang importanteng pangangalaga ay kailangang gawin ng mismong may katawan, o bawa’t isa sa atin”,” saad ni Panganiban.
Binanggit ni Panganiban ang ilang mga pamamaraan para magkaroon ng healthy lifestyle:
-Tamang nutrisyon- Ang pagkain ng masusustansyang pagkain ang pinakamahalagang pamamaraan sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan.
-Disiplina sa pagkain- Kung maaari ay iwasan ang sobrang pagkain lalo na sa gabi, ituon na lamang ang pansin sa ibang bagay at disiplinahin ang sarili.
-I-exercise ang ating puso- Ang cardiovascular exercise ay isa sa nagpapatibay ng ating cardiovascular system. Maaari itong isagawa sa pamamagitan ng pagtakbo, paglangoy, pagbibisikleta at iba pang pisikal na aktibidad.
Samantala, binigyang suporta naman ang naunang pahayag na ito ni Dr. Peter Curameng ang Provincial Health Officer ng DOH-CHD Mimaropa.
Sinabi ni Curameng ang pagkakaroon ng pagbabago sa positibong lifestyle ang magpapaibayo ng hitsura at nadarama sa araw-araw, dagdag pa na mas gaganda ang kalusugan at maiiwasan na pagkakaroon ng sakit sa puso.
Ayon kay Curameng kung ang bawat isang indibidwal ay mayroong adbokasiya para sa maayos na kalusugan, tiyak na mababawasan ang mga taong mayroong sakit sa puso.
Ang mga bagay na ito ay dahil na rin sa pahayag n amula sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa kanilang pinaigting na kampanya laban sa tumataas na bilang ng mga may sakit sa puso o cardiovascular disease.
Ito ay resulta ng ipinalabas na datos ng ahensiya mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagtala ng higit sa 130,000 Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa sakit sa puso.
Alinsunod na rin ito sa DOH Administrative Order (AO) 2021-0039 at FDA Circular 2021-028, isinusulong na tuluyang tanggalin sa mga pamilihan ang mga produkto na mataas sa fatty acids, katulad ng kape, fried foods, mga pagkaing binebenta sa mga fast food, donuts, pizza, frozen foods, at iba pa.
Sa pag-aaral, ang trans fatty acid (TFA) ay isang toxic fat na nagiging isa sa mga sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa puso at iba pang karamdaman.
Isinusulong din ni Attorney Sophia San Luis ng Imagine Law sa nalalapit na 1st State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na solusyon sa kinahaharap na problema may kaugnayan sa kalusugan, partikular na sa lumulubong bilang ng mga Pinoy na nagkakasakit sa puso.
Sinabi ni San Luis, marapat na bigyang proteksyon ng Pangulong Marcos sa pamamagitan ng pagtiyak na ang Pilipinas ay walang Trans Fatty Acid kasabay ng paghimok sa Punong Ehekutibo na isama ang TFA elimination bilang bahagi ng kanyang priority health agenda.