Health

Pagbakuna sa mga batang nasa edad 5-11 anyos umpisa na sa Pebrero, mga magulang hati ang desisyon

By Hanna Camella Talabucon

January 15, 2022

Nakatakda nang umpisahan ng National Government ang pagbabakuna sa mga batang nasa edad 5-11 anyos sa susunod na buwan. Ito ay ayon sa opisina ng National Task Force (NTF) against COVID-19 at kinumpirma ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa isang update na kanilang inilabas kamakailan.

Dagdag niya, isang “mini roll out” ng bakuna para sa mga batang may edad 5-11 ang gagawin sa unang linggo ng Pebrero.

Ayon pa rin sa pabatid ng NTF, mayroong ng 15 milyong doses ang national government ng bakunang Pfizer na mas mababa ang dosage para sa mga batang nasa ilalim ng nasabing age bracket. Ito umano ay darating sa katapusang ng Enero.

Ayon pa rin kay Galvez,  patuloy silang magbabakuna sa mga hindi pa bakunadong Pilipino upang masolusyonan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa at maagapan ang pagkalat ng Omicron variant sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.

Noong Miyerkules, sa isang online interview ay nagbabala si Galvez na mas malaki ang tiyansa ng mga hindi pa bakunadong indibidwal na ma-ospital, magkaroon ng mas malalang epekto pag tinamaan ng COVID-19 na maaring magdala ng kamatayan.

“Even sa Omicron, sa mga pag-aaral sa Europe at South Africa, 10 is to 1. Ibig sabihin, sampu ang unvaccinated, 1 ang vaccinated. So, mas malaki ang value na ang bakunahan natin ay ‘yung matatandang 3 million at ‘yung mga may co-morbidities kasi ‘yun po ang mamamatay,”ani Galvez.

Ang kanyang babala ay ayon sa report na natanggap ng opisina ng NTF mula sa Department of Health (DOH) na nagsasaad na 85% ng mga hindi pa bakunadong indibidwal na naoospital ay isinasailalim sa intensive care units at mechanical ventilators bilang pang-suporta sa kanila habang nagpapagaling sa mga mga pagamutan.

Ayon kay Christine Ramirez, isang nanay na may anak na limang taong gulang, kanyang papabakunahan ang anak ngunit hindi ito papayag na sasalang ito sa unang batch ng bakunang darating.

“Pabakunahan ko siya pero d pa sa February. Mauna muna ‘yung iba. Pag marami na nauna saka nalang siya. Makiramdam muna ako,” ani Ramirez.

Subalit, ilang mga nanay rin ang sumasang-ayon sa isinusulong ng gobyerno para sa kanilang mga anak kagaya ni Lovely Andres na may dalawang anak na babae edad anim at walong taong gulang.

“Okay sa akin kasi sila na lang ang hindi pa bakunado. Nakita ko naman ‘yung epekto especially na nagka-COVID ako last year, hindi lumala ‘yung tama kasi fully vaccinated na ako. Gusto ko na may protection din mga anak ko,” ayon kay Andres.

Ayon sa datus, plano ng gobyernong mabakunahan sa lalong madaling panahon 14.7 milyong mga batang nasa edad 5-11.