Sa harap ng mga ulat ng pagtaas ng kaso ng dengue sa ilang munisipyo sa Palawan, mas pinaigting ng Provincial Health Office (PHO) ang kanilang kampanya laban sa sakit, kasabay ng pagbabalik ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng lalawigan.
Batay sa pinakahuling datos ng PHO mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2025, naitala ang kabuuang 1,958 kaso ng dengue sa buong lalawigan. Kabilang sa mga lugar na may mataas na bilang ay ang mga bayan ng Coron, Roxas, San Vicente, Bataraza, Taytay, at Narra.
Sa pagtutok ng mga awtoridad sa posibilidad ng lalo pang pagtaas ng bilang, nagsagawa ang PHO ng misting operations sa mga apektadong lugar, house-to-house IEC (Information, Education and Communication) campaigns tungkol sa 5S strategy at 4 o’clock habit, at pamamahagi ng vector-borne diseases commodities upang masugpo ang pinagmumulan ng sakit.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Faye Labrador, “Tayo sa PHO, sa pamamagitan po ng ating Dengue Program at ng ating Epidemiology Surveillance Unit ay patuloy na nakatutok sa sakit na dengue sa lalawigan ng Palawan. Sa lahat po ng ating mga kababayan, ingatan po natin ang ating mga sarili upang makasigurong ligtas mula sa sakit na ito. Kung kayo po ay may mararamdam ng sintomas ay agad na magtungo po sa pinakamalapit na Health Facility.”
Kasabay nito, pinaalalahanan ng PHO ang mga residente sa mga barangay at munisipyo na makipag-ugnayan agad sa pinakamalapit na health center o ospital sakaling makaranas ng mga sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, sikmura at kalamnan, pamamantal, at pagsusuka.
Habang patuloy ang pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan, nananatili ang apela ng mga opisyal sa publiko na maging mapagbantay sa sarili, sa pamilya, at sa kapaligiran upang mapigil ang pagkalat ng sakit.