Mining

Calmia Nickel, nagsagawa ng basic firefighting training para sa emergency response team

By Palawan Daily News

August 26, 2026

Nagsagawa ang Calmia Nickel Inc. (CNI) ng tatlong araw na Basic Fire Fighting Training activity para palakasin ang kahandaan ng mga tauhan nito sa pagtugon sa sunog at iba pang emergency situation sa lugar ng trabaho at maging sa komunidad.

Isinagawa ang training noong Agosto 18 hanggang 20, 2026, sa CNI Conference Room para sa unang dalawang araw at sa Brooke’s Point National High School Sports Complex para sa huling araw.

Ang taunang aktibidad, na itinaguyod ng Mine Safety and Health Department (MSHD), ay pinangasiwaan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Brooke’s Point na siyang nagsanay sa mga empleyado ng Calmia na bahagi ng kanilang Emergency Response Team (ERT). Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa wastong pagtugon sa insidente ng sunog at mapanatili ang kahandaan ng emergency response team sakaling magkaroon ng emergency sa lugar ng operasyon.

Bahagi ang Basic Fire Fighting Training Course ng commitment ng Calmia sa isang lugar ng trabaho na malusog, ligtas, at handa sa anumang emergency o sakuna.