Ano ang tigdas at paano ito maiiwasan?

0
313
- Advertisement -

Kamakailan lang, umabot sa 55 kabataan sa Metro Manila ang naiulat na namatay dahil sa sakit na tigdas o measles. Dahil dito, idineklara ng Department of Health na mayroong outbreak ng naturang sakit sa NCR, at kalaunan, sa Central Luzon.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit dulot ng virus na sumisira sa respiratory tract o daanan ng paghinga bago kumalat sa buong katawan. Mas madaling mahawa rito ang mga sanggol at batang wala pa sa hustong gulang dahil hindi pa masyadong na-develop ang kanilang immune system. Ang sakit din na ito ay lubhang mapanganib para sa mga nagbubuntis dahil maaaring magkaroon ng matinding epekto sa sanggol na nasa loob ng kanilang sinapupunan.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang tigdas ay maaaring kumalat sa hangin at karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng pagdikit sa mga taong may impeksiyon.

Nagsisimula ang sintomas ng tigdas sa mataas na lagnat, ubo, sipon, at pamumula at pagtutubig ng mata. Ito ay susundan ng mapupulang pantal sa balat na karaniwang kumakalat mula sa mukha patungo sa natitirang bahagi ng katawan.

Karaniwang kumakalat ang tigdas sa pag-ubo o pagbahing, pati na rin sa direktang pagkontak sa mga secretion o dagta mula sa ilong o lalamunan ng taong may sakit.

Maaaring ipasa ng may tigdas ang sakit sa ibang tao mula apat na araw bago lumitaw ang pantal, hanggang apat na araw pagkatapos ito sumulpot.

Base sa datos ng DOH, nagtala ng 169 kaso ng tigdas sa NCR mula Enero 1 hanggang Pebrero 6 ngayon taon, kumpara sa 26 kasong naitala noong 2018.

Sa 1,504 na pasiyenteng may tigdas sa San Lazaro Hospital, 1,355 dito ang mga batang may edad na lima at pababa.

Kadalasan, ang tigdas ay umaabot mula 7 -18 hanggang 21 araw.

Kapag ito ay hindi kaagad naagapan, maaari itong lumala at magdulot ng malubhang sakit sa baga, bituka, utak, o kamatayan pero maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

Ayon sa DOH, ang bilang ng pagbabakuna sa bansa ay bumaba sa 60 porsyento dahil sa kontrobersiyang dulot ng Dengvaxia vaccine na dapat ay panlaban sa dengue.

Samakatuwid, ilang mga magulang ay tinanggihan ang mga programang pangkalusugan na isinasagawa ng gobyerno, pati na ang mga libreng bakuna na maaaring pumigil sa mga sakit na tulad ng tigdas.

Babala naman ng WHO na kapag ito ay hindi pa rin nasolusyunan, ang Pilipino ay nasa peligrong magkaroon ng mga sakit tulad ng polio, pertussis, diphtheria, at iba pa.

Ang bakuna laban sa tigdas ay ang pinaka-epektibong hakbang sa pag-iwas sa tigdas.

“Importanteng muling maibalik ang tiwala sa pagbabakuna at malinaw na ilahad na ang Dengvaxia ay walang kaugnayan sa kasalukuyang vaccination programs na noon pa man ay nagbibigay benepisyo sa mga nakakatanggap nito,” ani WHO country representative Gundo Weller.

Bagaman walang espesipikong gamot para sa tigdas, maaaring mag-reseta ang doktor ng antibiotics para mabawasan ang mga sintomas at para gamutin ang mga komplikasyong dulot ng virus.

Maaari ring maiwasan ang pagkalat ng tigdas sa pamamagitan ng pagpapanatiling malusog at malinis ang pangangatawan at kapaligiran. Kabilang na rito ang palagiang paghuhugas ng kamay, pagtakip sa bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, at pag-iwas sa mga taong nakikitaan ng sintomas ng sakit. (PIA Metro Manila)

- Greetings -

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here