Nilinaw ng kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naging pahayag sa “Laging Handa Press Conference” kahapon, July 14, ukol sa pagiging bawal sa batas ng online barter trade.
Sa inilabas na statement ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ngayong araw, ang tinuran niyang pagbabawal sa pagpapalitan ng produkto online ay kung ginagawa itong regular na negosyo ngunit hindi nakarehistro sa mga kaukulang ahensiya kaya labag sa tax law.
“This is what I meant as illegal, if done in other areas [outside the three areas in Mindanao], or if done online and cross border and as a regular business, in the course of trade and not registered, not taxed,” ani Lopez.
Ayon pa sa kalihim, sa local barter trade ay wala namang malinaw na pagbabawal ngunit ipinaliwanag niyang subject pa rin ito sa regulasyon na kailangang rehistrado at mabuwisan kung ito ay kalakal at negosyo–na aplikable rin sa online transactions.
Ngunit aniya, exempted sa value added tax (VAT) kung di aabot sa P3 milyon ang kabuuang kita ng isang negosyante sa buong taon.
Pagtitiyak pa ni Sec. Lopez, ang mga personal transaction na hindi dahil sa kalakal at pagnenegosyo ay hindi sakop sa registration requirements.
Ang barter ang isa sa pinakalumang uri ng kalakal sa buong mundo na sa ngayon, sa Pilipinas ay nire-regulate sa ilalim ng EO 64 na naging daan upang mabuo rin ang Mindanao Barter Council na ang papel ay pangasiwaan at makipag-ugnayan sa mga aktibidad ukol sa pagpapalitan ng mga kalakal sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang pinapayagan lamang ay sa Siasi; Jolo, Sulu at Bonggao, Tawi-tawi at sa labas ng mga nabanggit na mga lugar, ang lahat ng pagpapalitan ng mga produkto ay mahigpit nang ipinagbabawal.
“[Ang] barter trade, allowed po ‘yan doon sa limited places sa Mindanao dahil po sa nature, ‘yong lugar doon na kailangan pang i-improve— ‘yong mga hanapbuhay, lalo na sa tabi ng dagat…pero sa ibang lugar, hindi po ‘yan allowed….,” ang bahagi ng pahayag ng kalihim sa press conference kahapon.
Mensahe ng pinuno ng DTI sa mga nag-i-engage sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng online barter na magparehistro na sa DTI at sa BIR upang makaiwas sa paglabag habang sa mga mamimili naman na huwag tangkilikin ang mga hindi rehistradong seller.
Sa ngayon, tinutukan umano ng composite team ng DTI, Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng online activity ng mga online seller.
Matatandaang lalong pumatok ang pagpapalitan ng produkto gamit ang social media simula nang isinailalim sa lockdown ang iba’t ibang bahagi ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.