Napirmahan na Presidente Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11058 o OSH Law na may pormal na titulong “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof” noong Biyernes, ika- 17 ng Agosto 2018.
Kabilang sa probisyon ng batas ay pagpapaigting ng karapatan ng mga manggagawa at maprotektahan sila sa mga aksidente sa trabaho, lalo na sa mga abusadong employer, contractor o subcontractor na hindi sumusunod sa Occupational Safety and Health Standards na kung saan malalaking multa ang ipapataw sa kanila.
Kinakailangan din na magkaroon ng isang araw na mandatory OSH Seminar ang lahat ng mga manggagawa ng establisyemento o proyekto.
Ang mga health and safety personnel, kabilang dito ang mga safety officers, ay kinakalangan din na sumailalim sa mga mandatory training katulad ng Basic Occupational Safety and Health at Construction Safety and Health Training Courses.
Sa lalawigan ng Palawan, mayroong training center na accredited ng DOLE na nagsasagawa ng pagsasanay sa nasabing mga training courses na hindi na kinakailangang pumunta ng Manila para sa pagsasanay.
“Bilang isang accredited na Training Center ng Occupational Safety and Health Center ng DOLE, nag-coconduct po tayo ng BOSH, COSH, pati na din ang mga advanced safety courses, ang Loss Control Management, Behavior Based Safety at marami pang iba,” saad ni Ginoong Ariel S. Dulay, Vice President ng Petrosphere Incorporated, na nakabase sa lungsod ng Puerto Princesa.
Layunin din ng RA 11058 ang pagkaroon ng dagdag kaalaman o impormasyon sa tamang paggamit ng mga personal protective equipment o PPE.
Sa nasabing batas, binibigyang pagpapahalaga ang mga karapatan ng mga manggagawa na magreport ng mga aksidente sa kanilang tinatrabahuan, karapatang tumanggi ng manggagawa kung may imminent danger o unsafe ang kondisyon sa pagtatrabaho.
Kinanakailangan din na magkaroong safety officers at first aiders ang lahat ng mga kompanya, establisyemento, o mga proyekto.
Ang hindi pagsunod sa nasabing batas ay pwedeng pagmultahan ang may-ari ng kompanya na hindi hihigit ng P100,000 bawat araw hanggang maitatama ang paglalabag, simula sa araw na na sila ay naabisohan na may paglabag.
Ang mga may-ari ng kompanya na tumangging sumunod sa nasabing batas at itinago ang aksidenteng nangyari sa kanilang establisyemento ay mananagot sa dadag na multa na P100,000 kada araw.
Dagdag pa dito ang P100,000 na multa ang ipapataw sa mga employer na tumatangging magbigay ng pahintulot sa DOLE para mag-imbestiga sa lugar ng trabaho or access sa mga records at dokumento ng kompanya na me kinalaman sa aksidente.
Maari ding pag mumultahan ang employer na nagsasabi ng maling pahayag sa DOLE, at kasama na din dito ang pagganti sa kanilang mga empleyado na nagbibigay ng impormasyon sa mga kinauukulan katulad ng pagterminate ng empleyado, pag-hold sa sahod o pagbawas ng mga sahod o benepisyo o anumang anyo ng diskriminasyon.
Ang budget ng Safety and Health Program ay dapat kabilang sa kabuuang operations cost ng establisyemento o proyektong nasasakupan. Papaigtingin din dito ang koordinasyon sa iba’t-ibang opisina at ahensya ng gobyerno.
Sa nasabing batas, kinakailangan na magkaroon ng Health and Safety Committee ang establisiyemento na sila ang magpapasigurado na matugunan at masunod ang mga safety and health programs ng kompanya.
Ang komite ay pinapangungunahan ng employer bilang chairperson, kasama din dito ang safety officer ng kompanya bilang secretary, pati na din ang mga health workers, at mga kinatawan ng mga unyon ng mga manggagawa.
Base sa tala ng Bureau of Working Conditions ng Department of Labor ng Employment, noong 2014, 52 ang fatal accidents at 52 naman ang non-fatal na aksidente sa trabaho. Lomobo ang bilang sa 125 na mga namatay sa trabaho noong 2015 at 69 non-fatal accidents.
Sa nakalipas na taon, nagkaroon ng trahedya sa NCCC Mall sa Davao at nasawi ang 38 na mga tao kasama ang safety officer ng naturang mall ang 37 na mga call center agents ng SSI, isang Texas-based call center company na nagrerenta sa nasabing establisyemento.