National News

Pagkuha ng National ID, hindi sapilitan

By Angelene Low

March 31, 2021

Nilinaw ni Romelita Fernandez ng Philippine Statistics Authority (PSA) Palawan sa ginanap na press conference ngayong araw, Marso 31, 2021, na hindi sapilitan ang pag-apply at pagkuha ng National ID o tinatawag din na Philippine Identification System (Philsys) ngunit maaaring magkaroon umano ng problema ang mga indibidwal sa pag-access ng social services ng pamahalaan kung wala nito.

“Hindi po siya sapilitan kaya lang ang problema po kung wala ka nito ‘pag nagkakaroon po ng mga kailangan na halimbawa po sa pagdi-distribute ng mga social services ng mga government yun po magkakaproblema po yung mga individual na wala po nito.”

Nagsimula ang pagpaparehistro ng PSA para sa National ID noong Enero 25, 2021 at huling araw na ngayon ng pagrehistro sa mga priority na walang internet o signal at mga nakatira sa remote barangays. Inaasahan naman na magsisimula sa buwan ng Abril ang online registration para sa mga hindi naisama sa priority list.

Paliwanag pa ni Fernandez, ang pangunahing layunin kaya’t magkakaroon nito ay upang mas mapadali at mapabilis ang mga transaksyong gagawin ng mga mamamayan na kinakailangang magpakita ng mga valid IDs.

“Ang purpose po talaga ng national ID ay mayroong mapagkakakilanlan na nagpapatunay na ikaw ito so hindi ito yung ine-expect ng iba na parang ATM daw na papasok diyan. Ang kahalagahan po ng ating nation ID ay para mapadali yung pag-aapply natin sa mga welfare at benefits ng pamahalaan katulad ng sa GSIS, SSS, PhilHealth at Pag-ibig. Sa pagkuha rin sa mga passport, transaksyon na [may] kinalaman sa buwis.”

“‘Pag may national ID na tayo mapapabilis. Hindi na kailangan ng maraming pa tayong ID na ipakita. Maliban diyan yung pagbubukas, halimbawa, ng bank account. ‘Di ba hinahanapan ng dalawang [ID]? Kung meron tayong national ID isa na lamang po.”

Dagdag pa nya, mayroong partnership ang tanggapang ito sa Landbank kung saan ang mga indibidwal na walang bank account ay gagawan upang maging paraan sa pagtanggap ng ayuda mula sa gobyerno.

“Although may partnership tayo with Landbank na yung mga walang bank account lalo na ngayong panahon ng pandemic mag-o-open sila ng account para doon na lang ipapasok ang mga ayuda natin. Kaya pinaigting na mapabilis po iisyu yung ating national ID.”

Ang lahat ng Filipino citizens kabilang na ang Overseas Filipino Workers (OFW), dual citizens na nakatira sa ibang bansa at maging ang mga resident aliens o foreigners ay eligible makakuha ng Philsys.

Sa kasalukuyan ay nasa 199,320 ang kabuuang bilang ng mga nakapagparehistro sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan.