National News

Pangulong Duterte magpapatupad ng bagong community quarantine classification laban COVID-19

By Chris Barrientos

December 28, 2020

Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng bagong community quarantine classification sa iba’t-ibang lungsod sa buong bansa simula January 1 hanggang January 31 ng papasok na taong 2021.

Kasunod ito ng isinagawang pagpupulong sa Heroes Hall ng Malakanyang sa pagitan ng pangulo kasama ang iba’t-ibang cabinet secretaries, mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, medical experts ng pamahalaan at iba pa.

Sa kasalukuyan base sa pahayag ng pangulo, mananatili sa General Community Quarantine ang Metro Manila, Isabela, Santiago City, Batangas, Iloilo, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan City, Davao City at Davao del Norte hanggang sa ika-31 ng Erero, 2021 habang ang buong bansa kabilang na ang Palawan at Puerto Princesa ay mananatili sa ilalim ng Modified General Community Quarantine.

Ayon sa Pangulong Duterte, layunin nitong matiyak na handa ang pamahalaan sa banta ng bagong tuklas na “strain” ng coronavirus disease 2019 kabilang na ang pagsasagawa ng mga kinakailangang pagsusuri gayundin ang quarantine at safety protocols upang maiwasang makapasok ito sa bansa.

“The rule is kung maaari na hindi ka lumabas ng bahay, ‘wag ka na lumabas… January 1 up to 21… 31 rather, subject to LGU appeals. If the medical statistics would show that there is really a spike, it’s better to observe [inaudible],” ani Pangulong Duterte sa inilabas na bahagi ng pulong sa Facebook page ng PCOO.

Samantala, sa panig naman ng Pamahalaang Panlalawigan, una nang inatasan ni Governor Jose Chaves Alvarez ang Provincial Inter-Agency Task Force for COVID-19 na tiyaking hindi rin makakapasok sa lalawigan ang bagong strain ng COVID-19.

Sinabi ni Palawan Emergency Operations Center Manager Jeremias Alili sa inilabas na kalatas ng kapitolyo na nakatakda itong magsagawa ng pagpupulong upang mapag-usapan ang gagawing lockdown o pagsasara sa mga border ng Southern Palawan sa lalong madaling panahon.

“May instruction na rin sa atin ang ating mahal na gobernador na ibuhos lahat ng resources na available natin para i-contain ‘yong borders sa Southern part ng Palawan dahil ayaw natin na itong bagong strain ng COVID-19 ay pumasok sa atin” ani ni Alili base sa inilabas na Press Release ng Palawan Provincial Information Office.

“Yan po ang inaayos namin ngayon, meron akong naka-set na series of meeting para i-lock down ang Southern Palawan from other neighboring islands, maging ‘yan ay nanggaling sa bandang Sulu Sea o nanggaling sa Malaysian Island, pag-uusapan po namin yan” dagdag ni Alili.

Matatandaan na una nang inihayag ng mga eksperto na mas delikado ang bagong tuklas na strain ng COVID-19 kung saan sinasabing mayroon nang naitalang kaso nito sa Sabah, Malaysia dahilan para agad umaksyon ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan upang hindi ito makapasok sa lalawigan lalo na sa bahaging Sur ng probinsya.