National News

Pres. Duterte, nilagdaan na ang pagtaas ng Statutory Rape age sa 16 anyos

By Hanna Camella Talabucon

March 07, 2022

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes, Marso 7, ang pagtaas ng Statutory Rape age sa 16 anyos mula sa noo’y 12 anyos base sa Republic Act 11648.

Ang ibig sabihin nito, magiging ilegal o maari ng kasuhan ang sinomang makikipagtalik sa isang lalaki o babae na nasa edad 16 anyos pababa kahit sumang-ayon o ginusto pa ito ng dalagita o binatilyo.

Ang batas ay nagmula sa isang panukalang inaprubahan ng Senado noong Setyembre 2021, na naglalayong palawakin ang saklaw na edad ng kasong Statutory Rap upang maprotektahan ang mas maraming menor de edad sa bansa.

Sa botong 22-0-1, matatandaang sumang-ayon noong Setyembre 28, ang upper chamber sa Senate Bill 2332 na ipinasa ni Senador Richard Gordon o “An Act Increasing the Age of Determining Statutory Rape and other Acts of Sexual Abuse and Exploitation to Protect Children,” ayon sa panukala.

Ayon sa website ng World Population Review, tanging ang Angola at Pilipinas ang mga bansa sa Asya na mayroong pinakamababang sexual consent na 12-anyos, na siya ring pinakamababa sa buong mundo.

Sa pag-apruba ng pangulo sa nasabing batas, magkakaroon na ng awtomatikong krimen ang mga nasa wastong gulang na makikipagtalik sa mga batang 16 pababa kahit na pumayag pa ang isang menor de edad.

Maaaring maharap din sa parusang “reclusion perpetua” o pagkakabilanggo o 40 taong pagkakakulong ang sinomang mapapatunayan na lumabag sa nasabing batas.