Makaraan ang ikatlong araw nang isinasagawang World Economic Forum sa Davos, Switzerland, nabigyan ng pagkakataon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsalita sa isang panel discussion ukol sa nutrition security.
Ang topiko patungkol sa nutrition security ay tumututok sa kasiguruhan na may access ang bawat indibidwal sa sapat, ligtas, at masustansyang pagkain para sa isang aktibo at malusog na buhay.
Naging makahulugan ang binitiwang talumpati ng Pangulong Marcos Jr. sa plenaryo na kung saan ay kanyang ibinahagi ang mga hakbang na maaring gawin ng mga bansa upang maabot ang nutrition security.
Ilan sa kanyang binigyang diin ay ang pagpapalakas ng agriculture at fishery productivity pagpapabuti ng mga logistic system at pagbabago ng pamumuhay ng mga tao.
Bilang karagdagan dito, isinulong din ng Punong Ehekutibo ang ideya ng paggamit ng mga climate-resilient technologies kasabay ng pagtataguyod ng urban at vertical farming sa mga urban area para sa pagpapabuti ng food production.
Para sa Pangulong Marcos, kailangang mamuhunan sa mga pasilidad, logistic at sistema upang makapagbigay ng mga masusustansiyang pagkain bukod pa sa pagbibigay ng kahalagahan ng pagdagdag ng kapasidad ng mga institusyon na ipatupad ang mga regulasyon na magpapabuti sa kalidad ng pagkain.