National

Comelec ukol sa ‘vote-buying’: Magsumite ng kumpletong detalye

By Raiann Luna Casimiro

May 13, 2022

Sa patuloy na pagkalat sa social media ng mga di umano’y vote-buying sa iba’t-ibang lugar sa bansa, nais na ipabatid ng Commission on Elections (Comelec) na kailangang gumawa ng “detailed at verified complaint” kaugnay sa insidenteng nangyari, ayon sa Comelec Spokesman Atty. John Rex Laudiangco.

Anya, ang pagsusumite ng detailed complaint ay makakatulong sa mabilisang pag-iimbestiga patungkol sa nangyari.

Dagdag niya ay pupwede ring magpadala ng impormasyon sa kanilang ahensya sa pamamagitan ng kanilang e-mail: kontra-bigay@gmail.com, pati na rin sa kanilang Facebook page, “Task Force Kontra Bigay”.

Inaasahan nila na ang mga makikitang detalye sa mensahe ay ang mga sumusunod: lugar kung saan nangyari ang naturang vote-buying, kailan ito nangyari, at pagtukoy kung ano ang pangalan ng mga indibidwal o kandidatong sangkot dito.

 

Sinabi rin ng Comelec spokesman na kung anonymous o walang pagkakakilanlan ang detalye ay mahihirapan rin silang pabilisan ang pagpoproseso ng reklamo.