Nito lamang Marso 7, nagsipagtapos sa kursong Criminal Investigation (CIC) ang 19 na miyembro ng Puerto Princesa City Police Office sa pangunguna ng City Investigation and Detective Management Unit sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Roberto M. Bucad, ang Acting City Director.
Ang CIC ay isang kurso na tumatagal ng 45 araw kung saan ang bawat estudyante ay hinahasa sa iba’t ibang paraan ng pag-iimbestiga upang maging epektibo sa paglutas ng krimen.
Ang nasabing pagtatapos ay isinagawa sa Western Philippine University Audio Visual Room, Barangay Sta. Monica Puerto Princesa City na pinasinayaan ni Police Colonel Ronie S. Bacuel, Chief of Regional Investigation and Detective Management Division, Police Regional Office Mimaropa, bilang panauhing pandangal.
Nagkamit ng unang karangalan si Police Corporal Rea Fe E. Villaverde mula PPCPO na sinundan naman ni Patrolwoman Mary Grace Aniar ng Palawan PPO at ang ikatlong karangalan naman ay nakamit ni Police Master Sargeant Ma. Jercy D. Maling na nagmula rin sa PPCPO.
Kabilang din sa 50 nagsipagtapos ay 11 mula sa Palawan Provincial Police Office, tatlo mula sa PNP Maritime Group at Regional Intelligence Drug Mobile Battalion, apat sa Philippine National Police Aviation Security Group at Armed Forces of the Philippines, dalawa mula sa PNP Drug Enforcement Group, Special Operation Unit 4B, isa mula sa Philippine Coast Guard, BUCOR, Regional Inspection, Audit and Investigation at PNP-Information Technology Management Service.