Police Report

18 katao huli sa ilegal na tupada sa Española

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 16, 2020

Arestado ang labing walo katao kabilang ang isang government employee sa Barangay Pulot Shore sa bayan ng Sofronio Española dahil sa ilegal na tupada.

Kinilala ang mga suspek na sina Anden Baclao Sintik , 49, may asawa at isang kawani ng goberyerno, Etin Abbas Jamil, 62, may asawa at walang trabaho, Muhammad Nulhai Husin Harmain, 29, may asawa, isang magsasaka na kapwa mga residente ng nasabing barangay kung saan sila nahuli kasama ang 15 iba pa na hindi nakilala.

Sa spot report mula sa Palawan PPO, bandang 5:30 pm noong Hunyo 14 nang ikasa ng mga tauhan ng Sofronio Española Municipal Police Station ang isang anti-illegal gambling operation sa Sitio Luntab, Brgy. Pulot Shore na nagresulta sa pagkakaaresto sa naturang mga indibidwal.

Nakumpiska sa mga ito ang salaping nagkakahalaga ng P590, apat na buhay na mga panabong na manok at 13 motorsiklo.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Sofronio Española MPS ang mga nadakip na indibiwal, gayundin ang nakumpiskang pera, ang mga panabong at mga motor para sa tamang disposisyon na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD 449 na inamiyendahan ng PD 1602 o ang “Illegal Cockfighting”.