Police Report

2 drug dealers sa Puerto Princesa, timbog sa Buy-bust ops kahapon

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 19, 2020

Tuluyang napasakamay ng mga otoridad ang dalawang kalalakihang umano’y drug dealer sa Lungsod ng Puerto Princesa sa ikinasang magkahiwalay na Buy-bust operations kahapon ng hapon.

Sa impormasyong ipinaabot ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Palawan, napag-alamang ang mga suspek ay sina Ruel Deñado Cabañog, 40 taong gulang, lalaki, Filipino, walang asawa at residente ng Purok Pagkakaisa, Pardeco Village, Brgy. Bancao-bancao at John Cañot Daquer, 40 taong gulang, Filipino, walang asawa, at residente rin ng nasabing barangay.

Unang ikinasa ang operasyon bandang ika-4:15 ng hapon sa isang health facility sa Brgy. San Pedro ng pinagsanib na pwersa ng PDEA-Palawan, Puerto Princesa City Police Office City Drug Enforcement Unit (PPCPO-CDEU) at Anti-Crime Task Force (ACTF) ng Pamahalaang Panlungsod.

Doon na umano nahuli ng mga otoridad si Cabañog at nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang maliit na heat-sealed sachet na may lamang puting pulbos at pinaghihinalaang shabu at isa pang small sized heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman din ng puting pulbos na siyang pakay ng buy bust operation, isang totoong P100 bill, dalawang P2,000 na boodle money, at isang yunit ng Myphone analog cellphone. Sa mga nakuhang ebidensiya, ihahain ng mga kinauukulan laban sa suspek ang paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isang follow-up operation naman ang isinagawa ng joint team mismo sa lugar ng suspek na si Daquer bandang alas sais ng hapon, kung saan nakuha mula sa kanya ang tatlong small sized heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinaghihinalaang shabu at ang pakay ng buy bust operation, dalawa pang small sized heat-sealed transparent plastic sachet na subject of operation, isang totoong P100 bill, dalawang P2,000 na boodle money, isang pirasong tissue na may itim na electrical tape na naglalaman ng target ng buy bust, isang Calypso bag na naglalaman naman ng subject of possession. Similar na paglabag din ng Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 ang nilabag ng suspek.

Sa kasalukuyang ay nasa kustodiya ng PDEA-Palawan Provincial Office sa Brgy. San Miguel ang dalawang suspek na inaasahang sasailalim sa inquest proceedings sa tanggapan ng piskalya ngayong araw.