Police Report

2 kalalakihan, huli sa buy-bust sa Brooke’s Point

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 22, 2020

Arestado ang dalawang indibidwal sa Munisipyo ng Brooke’s Point matapos huli sa aktong nagtutulak ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Roger Bagona Bacquiao, 52, may asawa, drayber, at Adolfo Buncag Macaltao Jr, 30, binata, labourer, mga pawang residente ng 2nd Avenue, Brgy. Tub-tub, Brookes Point, Palawan.

Sa spot report mula sa Palawan PPO, nakasaad na matapos ang koordinasyon sa PDEA, nagsagawa ang mga tauhan ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) ng isang anti-Illegal drugs operation sa ​Brgy. Pangobilian, Brooke’s Point bandang ​6:15 pm kahapon, sa pangunguna ni PCapt. Bernard F. Dela Rosa, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Nagawa umanong makabili ng nagpanggap na buyer mula kay Roger Bacquiao ng isang pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinaghihinalaang shabu.

Narekuber din mula sa pag-iingat ng mga suspek ang P500 (buy bust money), isang paketeng naglalaman din ng pinaghihinalaang shabu, isang belt bag na kulay blue, light green, at puti; anim na pirasong hindi pa gamit na aluminum foil, isang pirasong gunting, dalawang lighter na kulay berde at dilaw, isang puting cellular phone na Samsung keypad, at isang kulay itim na Honda TMX tricycle na temporary plate number.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Brooke’s Point PNP ang mga suspek na parehong nahaharap sa kasong ​paglabag sa Sections 5, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”