Police Report

2 ‘Most Wanted’ sa southern Palawan, timbog na ng pulisya

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 19, 2020

Timbog na ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon noong ika-17 ng Mayo ang dalawang “Most Wanted” persons sa southern Palawan. Sa spot report na ibinahagi ng Provincial Police Office (PPO), dalawang indibidwal na matagal nang pinaghahanap ng batas ang nadakip ng pulisya sa mga bayan ng Quezon at Dr. Jose Rizal noong Linggo.

Kinilala ang mga arestado na sina Alexander Maasum Maulaha, 36, may-asawa, drayber at residente ng Sitio Cabar, Brgy. Aribungos Brooke’s Point at Odel Faburada Abel, 42, may asawa, magsasaka at residente naman ng Sitio Proper, Brgy. Culasian, Dr. Jose Rizal, Palawan.

Sa impormasyong ibinahagi ng PNP, napag-alamang bandang 3:30PM noong ika-17 ng Mayo ay dinampot ng pulisya si Abel sa Brgy. Culasian base sa ibinabang warrant of arrest ni RTC Branch 52 Executive Judge Angelo Arizala noong Nob. 13, 2019 dahil sa paglabag sa Section 1 ng PD 1866 na inamiyendahan ng RA 8294 at walang inirekomendang piyansa para sa suspek. Nahuli umano si Abel nang ikasa ang joint operation ng Rizal MPS na pinangunahan ni ACOP, PMaj. Salvador Tabi, PIU PalPPO, at 2nd PMFC.

Habang bandang 11:05PM ng nabanggit ding petsa ay nadakip naman si Maulaha sa Sitio Tungib, Brgy. Berong, Quezon, Palawan sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ni Presiding Judge Evelyn Cañete ng 9th MCTC- Brooke’s Point-Bataraza-Sofronio Española-Balabac, Palawan na may petsang Peb. 13, 2019 dahil sa paglabag sa Section 77 ng Presidential Decree No. 705. Nagkakahalaga ng P40,000 ang rekomendasyon sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Isinagawa umano ang pagdakip sa pamamagitan ng joint manhunt police operation na isinagawa ng Brooke’s Point PNP sa pangunguna ni PCpt. Bernard dela Rosa, PIU na pinangunahan naman ni PMaj. Grace Vic Gomba, 2nd PMFC sa pangunguna ni PLt. Erlindo Ytac, mga tauhan ng RIU 4B, at RSCG.

Sa kasalukuyan ay nasa himpilan na ng mga nabanggit na himpilan ng pulisya ang nabanggit na mga suspek at iprepresenta naman sa mga hukuman na nagpalabas nga arrest warrants para sa tamang disposisyon.