Police Report

5 smartphones, natangay ng kawatan mula sa kilalang tindahan sa Narra

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 13, 2020

“Araw ng Kalayaan” man ay balewala sa isang kawatan sa Bayan ng Narra nang pasukin ang isang kilalang tindahan ng gadget at tangayin ang limang piraso ng smartphones.

Sa spot report mula sa Palawan PPO, bandang 10:45 am kahapon ay personal na pumunta sa istasyon ng pulisya ang branch manager ng Emcor-Narra na si Bernard Aukay Buñag, 51 anyos, may asawa, at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Poblacion, Narra upang i- report ang insidente.

Iniulat niyang tinatayang 1:54 am noong June 12, 2020 ay sapilitang pinasok ng di pa nakikilalang magnanakaw ang kanilang establisemento. Ayon pa sa Branch Manager, sinira ng suspek ang door knob ng kanilang tindahan at tinangay ang isang Samsung cellphone A50S, kulay itim, demo phone; isang Samsung cellphone A20S, kulay berde na isa ring demo phone at ang tatlong pirasong VIVO S1PRO cellphone na nasa kahon pa nito at nakaselayado na tinatayang sa kabuuan ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P55,000.

Sa kasalukuyan ay patuloy namang nagsasagawa ng follow-up investigation ang Narra MPS sa posibleng pagkakakilanlan at pagka-aresto sa suspek.