Police Report

7 magsasaka, arestado dahil sa illegal hunting ng Baboy-damo sa Taytay

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 19, 2020

Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Taytay Municipal Police Station (MPS), DENR CENRO-Taytay-El Nido at Philippine Marines ang pitong kalalakihan dahil sa ilegal na panghuhuli ng Baboy-damo bandang 9 pm kahapon, June 17.

Kinilala ang mga suspek na sina Nilo Jardinero Aurelio, 58; Sammy Librado Masagnay, 35; Jovert Palotes Hemongala, 38; Arman Arangorin Castro, 31; Gaudencio Bawic San Jose, 35; Jonel Mate Pegarado, 38; Jobito Alegre Laping 41, mga pawang may asawa o kinakasama at kapwa mga residente ng Brgy. Bantulan, Taytay, Palawan.

Sa spot report mula sa PPO, nakasaad na naaktuhan ng mga awtoridad ang nasabing mga suspek na dala-dala ang mga buhay-ilang. Nakumpiska rin ng joint team mula sa kanila ang anim na Baboy Damo, trap net na tinatayang humigit-kumulang walong metro ang haba at isang metrong taas at pitong pirasong itak na pawang walang mga dokumento mula sa mga kinauukulan.

Ayon naman kay DENR-CENRO-Taytay Allan Valle, magsasagawa sana ng operasyon kontra illegal poaching ang Philippines Marines at DENR dahil sa natanggap nilang tawag at nadaanan lamang nila ang naturang mga kalalakihan na nag-uumpukan sa tabing-kalsada. Nang kanila aniyang nilapitan ay tumabad sa kanila ang mga patay ng mga Baboy-damo “na dala-dala nila.”

“Papunta pa lang [kami] sa area. Nasalubong ito [ng team] sa daan. ‘Yon na ang naging operation [namin], hindi na kami nakatuloy [sa orihinal na operasyon] dahil nga, inasikaso namin ito dahil malaking kaso rin ito dahil sa violation sa Wildlife Act,” ani CENRO Valle sa pamamagitan ng phone interview.

Rason umano ng naturang mga indibidwal, nagawa lamang nila iyon dahil na rin sa hirap ng buhay ngayong panahon ng pandemic.

“Ang ginagawa kasi nito, parang hinaharangan nila ng net ‘yung area, tapos binubugaw ‘yong baboy papunta doon sa net para masilo. Tapos doon nila pinapatay ang mga Baboy sa net. Parang ang tama ay taga,”

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng PCSDS enforcement personnel ang nakumpiskang mga ebidensiya habang ang mga inarestong indibidwal ay sasampahan din ng kaso ng ahensiya ukol sa paglabag sa RA 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act” sa pamamagitan ng regular filing.

Samantala, nagbigay ng mensahe at paalaala ang pamunuan ng DENR-CENRO na nakasasakop sa Taytay-El Nido ukol sa pagbabawal sa panghuhuli ng Baboy-damo.

“Ipinapaalala ko lang sa mga tao na ‘yong ating mga Baboy-damo ay endangered species…. [Ang paghuli sa mga ito] ay ipinagbabawal ayon sa batas. ‘Pag nahuli ka, may penalty ito ng four to 12 years na kulong dahil nga paubos na ang mga species na ito,” ang mensahe pa ni CENRO Valle.