Police Report

Alitan ng 2 kabataan, nauwi sa pananaksak

By Diana Ross Medrina Cetenta

September 08, 2020

Isang kaso ng pananaksak na nag-ugat sa alitan ng dalawang mga kabataan ang naitala ng Rizal PNP dakong 9:00 pm kamakalawa.

​Kinilala ang biktima na si Adi Rodriguez Buangcan, 20 anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Sitio Colandanum, Brgy. Canipaan, Rizal, Palawan habang ang suspek ay si Aljohn dela cruz Bundal, 21, binata, walang trabaho at residente rin ng nasabing lugar.

Sa spot report galing sa PPO, nakasaad na  sa nasabing petsa, oras at lugar,  ang biktima at suspek, na dati ng may alitan, ay nagkita sa bahay ng nagngangalang Nosal Misoari na kung saan, hinampas ng biktima ang suspek sa ulo gamit ang kadena ng motorsiklo  ngunit gumanti ang suspek at sinaksak siya sa itaas na bahagi ng kanyang hita.

Bagama’t naawat sila ng mga naroroong indibidwal ay nagtamo ng sugat ang biktima sa kanyang katawan. Agad naman siyang dinala sa Canipaan Health Center upang maipagamot ngunit inilipat din sa Bataraza District Hospital para sa patuloy na pagpapagamot.

Ang suspek naman ay inihatid ng kanyang tiyuhin sa barangay hall ng Canipaan at isinuko sa rumesponding mga tauhan ng Rizal MPS at kalaunan ay dinala sa istasyon ng Rizal MPS para sa tamang disposisyon.