Police Report

Barangay kagawad sa Brooke’s Point, suspek sa pananaga sa isang magsasaka

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 01, 2020

Nahaharap ngayon sa kasong murder ang isang kagawad ng Brgy. Salogon, Brooke’s Point, Palawan matapos umanong pagtatagain at mapatay kahapon ang isang kabarangay.

Kinilala ang suspek na si Marlon David Cortel, 40 anyos, may asawa habang ang biktima naman ay si Adjaine Marte Dais, 54 anyos, magsasaka, at residente ng Sitio Magugurang ng nabanggit ding barangay at munisipyo.

Sa spot report na ibinahagi ng Palawan Police Provincual Office (PPO), nakasaad na kaninang 12:25 am, July 1, 2020, nang tumawag sa Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) si Kapt. Freddie dela Cruz Bocobo ng Brgy. Salogon at inulat ang insidente ng pananaga sa kanilang lugar.

Ayon sa kapitan, dakong 10:30 pm kahapon, June 30, 2020, habang sakay ng kanyang motorsiklo ang suspek at napadaan sa tahanan ng biktima nang marinig umano niyang may sumigaw sa kanya. Agad umanong kinompronta ng suspek ang biktima na humantong sa mainit nilang pagtatalo hanggang sa nilabas ng suspek ang kanyang itak na nakasukbit lamang sa kanyang baywang at pinagtataga ng ilang beses ang biktima na naging dahilan ng pagtamo nito ng mga sugat sa katawan.

Agaran naman umanong naisugod ang biktima sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) upang magamot ngunit dineklara na siyang dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor.

Napag-alaman naman ng mga awtoridad na kapwa nasa impluwensiya ng alak ang biktima at ang suspek.

Matapos naman ang insidente ay boluntaryong sumuko ang suspek sa kanilang punong barangay at ngayon ay nasa kustodiya na ng Brookes Point MPS para sa tamang disposisyon.