Dead on Arrival (DOA) na nang maisugod sa pagamutan ang isang construction worker sa Bayan ng Roxas matapos na mag-self crash kahapon.
Kinilala ang biktima na si Lito Abid Fresnillo, 27 taong gulang, binata, at residente ng Purok 6, Brgy. Tagumpay, Roxas, Palawan.
Sa spot report mula sa PPO, nakasaad na bandang 3:30 am kahapon nang tumawag ang kapitan ng Brgy. Tagumpay sa Roxas Municipal Police Station at iniulat ang nasabing vehicular accident na naganap sa bahagi ng Purok 2-Magsasaka sa Sitio Malico sa kanilang barangay.
Napag-alaman ng pulisya na nasa impluwensiya umano ng alak ang biktima habang sakay ng kanyang Rusi motorcycle at binabagtas ang daan mula sa kanilang tahanan patungo sa Sitio Malico, Brgy. Tagumpay.
Batay pa sa ulat, nakatulog umano ang biktima habang nagmamaneho na naging dahilan ng pagkakaaksidente niya sa daan dakong 2:30 am kahapon na nagresulta sa pagkakatamo niya ng pinsala sa ulo.
Agad naman umanong isinugod sa Roxas Medicare Hospital ang biktimang si Fresnillo ng kanyang mga kamag-anak ngunit idineklara na siyang Dead on Arrival (DOA) ng tuminging doktor.