Police Report

Ex-convict, nanggahasa ng apo ng kabiyak

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 09, 2021

Isang dating bilanggo ang nahaharap ngayon sa kasong statutory rape dahil sa umano’y panggagahasa niya sa apo ng kanyang asawa.

Sa post ng Aborlan Municipal Police Station (MPS) sa kanilang Facebook account, kinilala ang suspek na si Francisco Sali Paner, 39 na taong gulang, mag-uuling. Nakulong ito sa Provincial Jail dahil sa kasong pagpatay at nakalaya noong November 2019.

Photo from Aborlan MPS

Ayon sa Aborlan PNP, habang nasa kulungan ang suspek ay nakilala nito ang lola ng biktima at sila ay ikinasal nang magkaroon ng mass wedding sa loob ng kulungan. Pagkalaya, nanirahan na ito sa tahanan ng kanyang napangasawa sa Brgy. Tagpait sa Bayan ng Aborlan.

Ayon sa buong salaysay ng batang biktima, November 2020 nang magsimula umano ang panghahalay sa kanya ng suspek at muli itong nangyari noong December 28, 2020. Kinabukasan, hindi na umano nakatiis ang biktima, at kasama ang isa niyang lola na kapatid ng kanyang yumaong lolo, ipinaabot nila ito sa DSWD na siya namang tumulong sa kanila upang isumbong ito sa mga pulis.

Ikinuwento pa umano ng bata na ang huling insidente ng panggagahasa ay naganap nang dalhin siya ng suspek sa ulingan na malapit sa dagat. Sa limang beses umanong ulit ng panghahalay, may insidente pa umanong nangyari mismo ito sa CR ng kanilang bahay.

Ayon pa sa PNP, sa kabila ng salaysay ng biktima na pinatunayan din ng resulta ng medical examination mariin itong pinasinungalingan ng suspek, maging ng lola ng biktima na asawa ng suspek, at iba pang kamag-anak ng asawa ng suspek. Ngunit kumbinsido naman dito ang ibang kamag-anak ng biktima na nakakita na siya ay isinasama sa pagawaan ng uling ng suspek.

Sa ngayon ay nasa Palawan Provincial Jail na ang suspek at naghihintay ng paglilitis sa bagong kinakaharap na kaso.

Ayon sa batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pakikipagtalik sa mga batang 12 taong gulang pababa, kahit nakakuha pa ng kanilang pagsang-ayon maitutring itong statutory rape.