Isang 12-week-old na fetus ang natagpuang nakalibing sa compound ng Western Philippines University (WPU) main campus sa Brgy. San Juan, Aborlan bandang 5:00 pm kahapon, June 21, 2020.
Sa spot report mula sa PPO, nakasaad na iniulat ang insidente ng isa sa mga guro ng WPU– Aborlan na residente ng Brgy. Pancol, Taytay, Palawan.
Tinatayang 9:00 pm kahapon nang makatanggap ang Aborlan Municipal Police Station (MPS) ng isang tawag mula sa barangay kagawad ng San Juan at iniulat na umaga ng June 20 ay ipinaabot ng nasabing guro sa kanilang barangay ang naturang insidente. Natuklasan umano ng kagawad na may nakalibing ngang fetus sa hardin na katabi ng SAKA building ng WPU.
Agad naman umanong tumugon ang tauhan ng Aborlan MPS at nakipag-ugnayan sa Municipal Health Office-Aborlan at pagdating sa lugar ay nakita nila ang naaagnas ng fetus.
Nakipag-ugnayan naman ang pulisya sa mga opisyal ng barangay para sa maayos na pagpapalibing ng fetus sa Barangay Cemetery ng Brgy. Mabini, Aborlan, Palawan.