Panibagong pagpapakita ng kabutihan sa kapwa ang ipinamalas ng mga taga-Coron matapos na mai-turn-over sa pulisya ang isang pouch at bag.
Ang nasabing mga indibidwal ay ang guro ng Coron School of Fisheries (CSF) na si Paul Ardel Abrea at ang range officer ng COSA Firing Range na si Jay Marcelino.
Sa post ng Coron MPS sa kanilang social media account ngayong araw, malugod nilang ibinalita ang pagsauli ni Abrea ng kanyang napulot na isang pouch na naglalaman ng pera at ATM Card na nakapangalan kay Romeo Euginio na kanyang nakita kagabi sa Saint Augustine St., Brgy. Poblacion 4, Coron, Palawan at ng brown bag na naglalaman ng Portable Electric Fan at mga damit na nakita naman ni Marcelino sa Brgy. Poblacion 2, Coron.
Bunsod nito ay Tapos-pusong nagpasalamat ang pulisya at sumasaludo sa katapatan ng dalawang nagbalik ng mga napulot nilang bagay.
“Sanay magsilbi itong huwaran sa ating mga kababayan,” ang nakasaad pa sa post.
Habang isinusulat naman ang balitang ito ay nakuha na ni G. Romeo Euginio ang kanyang pouch na nakita ng guro ng CSF.