Police Report

Isa arestado, habang tatlo naman ang nakatakas sa iligal na tupada sa Brgy. Sicsican

By Lance Factor

April 20, 2021

Nadakip ng mga awtoridad ang isang indibidwal habang tatlo naman ang nakatakas sa iligal na tupada sa Purok Mahogany, Barangay Sicsican, Puerto Princesa City.

Sa ibinahaging impormasyon ng Puerto Princesa City Police, dakong 12:45PM noong Abril 18, 2021 nang magsagawa ng operasyon ang mga police sa pangununa ni PMAJ Alevic R. Rentino, Station Commander ng Police Station 2. Naaktuhan umano ng mga awtoridad na nagsasagawa ng tupada ang apat na indibidwal sa nasabing lugar. Nakuha sa lugar ang dalawang manok na ginamit sa sabong (isa sugatan at isa ang patay)  habang may nakasabit pa na tari sa mga paanan nito at pera na pinamusta ng mga suspek.

Nasa kustodiya na ng Police Station 2 ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Presidential Decree No.1602 o ang Illegal Gambling law.