Kasalukuyang nasa pagamutan ang biktima na kinilalang si Glenn Justine Asuncion Fulgencio, 20 anyos, matapos na barilin ng suspek na si Emelito Resurecion Ramos, 64 anyos, parehong residente sa Sitio Gadsan, Barangay Rio Tuba, Bataraza ganap na 5:45 PM ika-23 ng Pebrero.
Ayon sa imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station, pauwi na ang biktima na sakay sa Mitsubishi Pajero habang sakay naman sa motorsiklo ang suspek nang bigla nitong pahintuin ang sasakyan ng biktima.
Bumaba naman si Fulgencio at dito na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa. Dahil umano sa galit ng suspek ay bumunot ito ng baril na agad inagaw ng biktima. Nagpambuno sila at pumutok ang baril at tinamaan sa ulo si Fulgencio.
Nagkataon naman ay may napadaan na tao at tinulungan ang biktima upang makuha kay Ramos ang baril.
Matapos ang insidente ay nagtangka pang tumakas si Ramos na agad din namang naaresto.
Nakuha sa kanya ang isang caliber 45 Armscor pistol, magazine at tatlong bala.
Sinampahan na ang suspek ng Attempted Murder, paglabag sa RA 10591 at Violation Omnibus Election Code, na ngayon ay nasa piitan na ng Bataraza Police.