Pinagbabaril ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang biktimang kinilalang si Ramon Gresones Limsa, 36 taong gulang dakong 4:45 PM nitong Setyembre 26 sa National Highway, Brgy. Iraan, Aborlan, Palawan.
Sa spot report ng Police Provincial Office, nakasaad na nasa gilid ng highway ang biktima at hawak ang kanyang bisikleta nang dumating ang hindi pa kilalang mga suspek at binaril siya ng ilang beses na nagresulta sa pagtamo niya ng tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad naman umanong tumakas ang mga suspek sa kanlurang direksyon matapos ang insidente habang ang biktima ay isinugod sa Aborlan Hospital na kalaunan naman ay inilipat sa Adventist Hospital sa Lungsod ng Puerto Princesa dahil sa kritikal niyang kondisyon.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga kawani ng Aborlan Municipal Police Station sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.