Hindi na nakapalag ang isang 21 anyos na si John Vincent Domingo Domine nang maaresto ito sa ginawang entrapment operation ng PNP highway patrol group Palawan at Bataraza Municipal Police Station sa bahagi ng National Highway ng Barangay Sicsican sa lungsod ng Puerto Princesa noong February 16, 2022.
Sa panayam ng Palawan Daily sa isa sa kawani ng PNP Highway Patrol Group Palawan, nalaman nito na may naganap na pagnakaw ng motor noong February 15 habang nakaparada sa Barangay Ocayan Bataraza, at isang lalaki naman ang lumapit upang humingi ng payo kung pwde bang bumili ng motor na walang anumang legal na dokumento.
Ayon sa nais bumili daw ng motorsiklo, mayroong binibenta sa halagang P18,000 at nang alamin ng pulis at makita ang larawan ng motor ay tumutugma ito doon sa larawan ng motor na nawawala, kaya naman kumilos na ang kawani ng HPG at ikinasa ang entrapment operation kung saan magkikita ang asset at ang nagbebenta ng motorsiklo.
Agad na hinuli ang suspek ng awtoridad at ngayon ay nasa Bureau of Jail Management and Penology Brooke’s Point nakapiit. Dahil doon isinampa ang kaso nito sa RTC Brooke’s Point ng paglabag ng RA 10883 (Anti-Carnapping Act of 2016).