Naaresto na ng Roxas Municipal Police Office (MPS) kahapon ng hapon ang isang indibidwal na mahigit dalawang taon nang nagtatago sa batas dahil sa kasong Direct Assault Upon an Agent of Person in Authority.
Sa spot report na ibinahagi ng Provincial PNP ngayong umaga, nakasaad na ang nahuling suspek ay kinilalang si Nemar Naluis Vigonte, 28 taong gulang, walang asawa, isang farm caretaker at residente ng Sitio Stockpile, Brgy. Dumarao, Roxas, Palawan.
Nadakip ang suspek ng Roxas PNP, sa pangunguna ni Acting COP, PMaj. Analyn Palma, sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ni Judge Ronilo Beronio ng Municipal Circuit Trail Court (MCTC) Roxas-Cagayancillo noon pang May 9, 2018.
Nagkakahalaga naman ng P12,000 ang kanyang piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng nasabing himpilan ng pulisya ang naarestong indibidwal na nakatakda namang ihaharap sa issuing court para sa tamang disposisyon.