Patay ang padre de-pamilya habang sugatan naman ang asawa nito matapos na tagain sa Sitio Camburanga, Barangay Sarong, Bataraza, Palawan nitong Marso 20, ganap na 2:00 ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Salito Dicay Rasig, 36-anyos at si Erlina Sangga Rasig, 34, na sugatan sa nasabing insidente.
Ang suspek naman ay kinilalang si Regie Timi Oddan, pawang residente sa Sitio Camburanga, Barangay Sarong.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station, kasama ng mag-asawa ang kanilang anak na babae na nakamotorsiklo pauwi ng bahay matapos ipunin ang mga buho, nang biglang tumalon sa kanila ang suspek at tinaga sa ulo at leeg si Salito.
At asawa nito na sugatan ay agad nakatakas kasama ang kanilang anak sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala, matapos mangyari ang pamamaslang ay mabilis na tumakas ang suspek dala ang itak na ginamit nito.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip sa suspek.
Nasa pagamutan na ang ginang dahil sa sugat na tinamo nito, at ligtas naman ang kanilang anak.
Ang biktimang nasawi ay dinala sa Rural health unit para sumailalim sa postmortem examination.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen upang malaman ang motibo ng suspek.
Discussion about this post