Police Report

Magkapatid, arestado sa Coron dahil sa marijuana

By Chris Barrientos

May 27, 2020

Arestado ang magkapatid sa bayan ng Coron matapos madiskubre ng mga pulis ang iligal na pag-aalaga at pagbebenta ng mga ito ng marijuana sa Sitio Bukal-Bukal, Barangay Guadalupe.

Kinilala ang mga suspek na sina Patrcik Jesalva at Jhon Kaisser Jesalva, magkapatid at mga residente ng bayan ng Coron.

Ayon kay Coron PNP Chief of Police, Police Major Thirz Starky Timbancaya, nahuli ang mga suspek matapos ikasa ang buy-bust operation kaninang umaga, May 27.

“Worth P1,000 ‘yung nauna pong na-purchase ng ating agent at the same time, kaakibat nito ang halos dalawang linggong surveillance po. Ako mismo ang nag-surveillance sa kanila, sa mga naging target natin,” ani P/Maj. Timbancaya sa panayam ng Palawan Daily.

Maliban sa magkapatid na Jesalva, walong buhay na puno ng marijuana ang nakuha mula sa kanilang pag-iingat kasama ang iba pang paraphernalia.

“Ang lahat po ng ebidensya partikular po ‘yung malalaking marijuana ay dadalhin po sa opisina po ng crime lab para sila ang mag-custody at the same time i-examine po ang mga ito laban po sa kanila,” dagdag ng opisyal.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2020 laban sa mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya parin ng Coron PNP.