Police Report

Isang bangkay, natagpuan sa taniman ng niyog sa Aborlan

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 09, 2020

Isang bangkay ang natagpuan sa taniman ng niyog sa Brgy. Ramon Magsaysay, Aborlan, Palawan noong ika-7 ng Hunyo.

Kinilala ang biktima na si Jimmy Dela Rosa Rodriguez, 53 anyos, may asawa, self- employed at pansamantalang naninirahan sa nabanggit na lugar.

Sa pamamagitan ng tawag ay ipinaalam ng kapitan ng Brgy. Ramon Magsaysay sa Aborlan MPS ang nasabing insidente na agad naman umanong tinungo ang lugar upang iberipika ang katotohanan ng report. Pagdating ng grupo ay tumambad umano sa kanila ang bangkay ng lalake sa lugar.

Napag-alamang noong Mayo 7, 2020 ay iniulat ng tiyuhin ng biktima na si Palermo Dela Rosa sa barangay na nawawala ang kanyang pamangkin na umano’y umalis sa kanilang tahanan bandang 2:00 PM ng kaparehas na petsa at hindi na nakabalik pa. Sinikap naman ng barangay officials at kanyang mga kamag-anak na hanapin siya ngunit sila ay parehong nabigo.

At nang makita ang bangkay bandang 5:00 PM noong Hunyo 7 ng isang residente na tumungo sa bahaging iyon ng barangay upang manguha lamang sana ng turmeric (luyang dilaw) ay agad itong ipinaalam ng kapitan kay Palermo. Positibo namang kinilala ni Dela Rosa na ang nakitang mga buto ng tao ay ang kanyang pamangkin base sa mga natagpuang tsinelas, shorts at jacket sa lugar na umano’y suot ng biktima noong umalis. Binanggit din niyang nakararanas noon ng depression at hypertension ang kanyang pamangkin.