Dumepensa ang pulis na nakita sa CCTV footage na nanuntok sa isang tricycle driver.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Police Staff Sergeant Rey Cabildo, sinabi niya na umiinit ang kaniyang ulo habang napapablotter si Rafael Tabinga sa outpost ng barangay tanod sa Bgy Mandaragat dahil hindi naman daw totoo ang mga sinasabi nito kaya niya ito nasuntok.
Ikinwento rin ni Cabildo ang mga pangyayari bago sila dalhin sa barangay.
Ayon sa kanya, bandang 2:00 PM noong October 27,2019, galing sila sa trabaho nang ayain niya ang kaniyang mga kasamahan na dumaan muna sa isang salo-salo dahil kaarawan ng kaniyang kamag-anak.
Pagsapit daw ng bandang 7:00 PM ay nagkaniya-kaniya na silang umuwi.
Sumakay daw siya ng kaniyang motorsiklo subalit huminto siya at nagdesisyon maglakad hanggang sa maliwanag na parte ng kalsada nang mapansin ang tatlong kalalakihan na nakatambay.
“Narinig ko ang sabi ng isa, ito na pre.”
Maya-maya pa ay biglang hinila umano ang kaniyang kaliwang braso at pinagtulungang bugbugin ng mga kalalakihan subalit nakawala umano siya sa mga ito.
Sa pagkakataong ito ay may makita siyang traysikel na nagbaba ng pasahero kaya pumunta siya sa gitna ng kalsada para kumay-kaway sa driver para sumakay at matakasan ang mga nambugbog sa kaniya.
Pinasakay umano siya nito pero biglang umikot ang isang lalaki sa gilid ng driver at kinausap ito, kasunod noon ay bumaba ang driver para tumulong sa pagkuha sa kaniyang bag na may lamang baril na niyayakap niya para hindi makuha.
Iginiit niya rin na habang nasa loob ng traysikel ay nagpakilala siyang pulis at iniisip niyang patatakbuhin agad bg driver ang sasakyan dahil nakita naman umano nito na wala siyang tsinelas, punit-punit ang damit at duguan matapos mabugbog subalit tumulong pa umano ito para bugbugin siya.
Si Tabinga rin umano ang nakakuha ng kanyang baril na kalaunan ay itinurnover sa barangay.
May dala rin daw na kutsilyo ang mga nambugbog sa kaniya pero napansin ito ng kaanak niyang kumuha ng kutsilyong pantadtad ng lechon kaya nagpulasan at si Tabinga na lang ang naiwan.
Pinabulaanan niya rin na siya ay lasing na lasing ng mga oras na iyon bagamat aminado na nakainom.
Sa ngayon ay pinag-iisipan pa raw kung magdedemanda sa mga gumulpi sa kaniya.
Matatandaang sa bersyon ni Tabinga, sinuntok siya ni Cabildo sa leeg kaya siniko niya ito at noong makita niyang bumubunot ng baril ay sumigaw siya ng tulong kaya binugbog siya ng taong bayan.
“Patulong may baril,” sigaw umano niya. Lasing na lasing umano si Cabildo ng mga panahong iyon at hindi niya alam na pulis ito dahil hindi naman nagsabi. Maghahain daw siya ng reklamo sa PNP-Internal Affairs Service hinggil sa pangyayari at bahala na raw kung ano ang kanilang mapagkasunduan nila ni Cabildo roon.