Police Report

Suspek sa nakawan sa Bayan ng Rizal, sinampahan na ng kaso

By Diana Ross Medrina Cetenta

August 11, 2020

Matapos na tumangging isauli ng umano’y magnanakaw ang mga ninakaw niyang item at salapi, dakong 9:20 am kahapon ay idinulog na ng biktima ang insidente sa Rizal Municipal Police Station (MPS).

Kinilala ang biktima na si Annabille de Alday Maulion, 59 anyos, may asawa, may-ari ng isang tindahan at residente ng Purok Base, Brgy. Punta Baja, Rizal habang ang suspek ay si Rico Cahilig Paligumba, 23 anyos, binata, construction worker at residente rin ng nasabing lugar.

Sa spot report mula sa PPO, nakasaad na naganap ang nakawan sa nasabing lugar dakong 5 am noon pang July 9, 2020. Napansin lamang umano ito ng may-ari makalipas ang isang oras at agad niyang kinuhaan ng larawan ang paligid at nagtanong-tanong sa kanyang mga kapit-bahay hanggang sa isang 11 taong gulang na dalagitang si Glory Jane G. Narrazid ang nagsabing nakita niya ang suspek at inilahad ang naganap.

Bunsod nito ay iniulat ng biktima ang insidente sa Tanggapan ng Barangay ng Punta Baja, Rizal upang ipatawag  at makipag-ayos sa suspek sa pamamagitan ng pagbabalik niya ng mga ninakaw na mga item at salapi ngunit tumanggi umano ang suspek at pinabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanya. Nang dahil dito nito ay nagdesisyon na ang biktima na iulat ang kaganapan sa mga awtoridad at magsampa ng kaso laban sa suspek.

Ang mga nanakaw ay mga grocery products na nagkakahalaga umano ng P11,000 na binubuo ng mga sigarilyo, canned goods at itlog na maalat;  P10,000  cash at dalawang cellular phones na nagkakahalaga ng P12,000 at P8,000.