Police Report

Suspek sa panggagahasa at pagpatay sa Quezon, arestado

By Chris Barrientos

May 21, 2020

Kinumpirma ni Police Major Lodell Lota ng PNP Quezon na naaresto na nila ang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 20 anyos na ginang sa Barangay Isugod, Quezon, Palawan.

Sa panayam ng Palawan Daily kay Lota, sinabi nitong hawak na nila ang suspek at umamin narin sa krimeng kanyang ginawa.

Tumanggi rin muna ang opisyal na ibigay ang pangalan ng suspek dahil inihahanda palang anya ang kasong isasampa laban dito at magkakaroon pa sila ng case conference kaugnay dito.

“May nahuli na kaming suspek sa krimen pero for filing palang, dadalhin pa lang sa fiscals office for inquest. Arrested na s’ya at umamin na s’ya sa kasalanan n’ya,” kumpirmasyon ni Major Lota sa panayam ng Palawan Daily.

Samantala, nakiusap din si Lota na kung maaari ay huwag narin munang pangalanan ang biktima kahit pa lumabas na ito sa ibang media entity bilang respeto sa pamilya at sa ilang ligal na kadahilanan.

Matatandaan na isang ginang ang hinihinalang ginahasa at pinatay sa bayan ng Quezon kahapon, May 20, at kanina lamang umaga natagpuan ang kanyang bangkay sa bangin na wala nang saplot pang ibaba.

Nakatakda namang isailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima upang matukoy kung nagahasa ito bago pinatay.