Arestado ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) ang Most Wanted Person Rank No. 9 sa Bayan ng Bataraza dahil sa mga kasong pagpatay at tangkang pagpatay.
Kinilala ang suspek na si Edao Saknad Borbor, 37 taong gulang, may asawa, mangingisda at residente ng Brgy. Bono-bono, Bataraza, Palawan.
Sa spot report mula sa Palawan PPO, nakasaad pa na ang nahuling wanted person ay ginamit noon ng dating NPA leader na si Bonifacio “Ka Boiwan/ Ka Solidad” Magramo, kalihim ng Sub-Regional Military Area (SRMA)-4E, Southern Tagalog People’s Response Center-STPRC(STPRC), Inc., bilang kanyang personal guide at courier kapag bumibiyahe noon sa Bayan ng Bataraza. Si Bonifacio ay matatandaang napatay sa engkwentro sa mga awtoridad sa Lalawigan ng Oriental Mindoro noong Hunyo 2019.
Nadakip naman ang suspek sa Brgy. Bono-bono, Bataraza dakong 1:05 pm kahapon dahil sa kasong murder kung saan ay walang inirekomendang piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan at attempted murder na may piyansang P120,000.
Isinagawa ang pag-aresto ng joint personnel ng Bataraza MPS, PNP IG RIU 4B-PIT/CIT, at (PIU) ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa bisa ng Warrant of Arrest na ibinaba ni Presiding Judge Ramon Chito R. Mendoza ng RTC Branch 165-Brooke’s Point noong November 15, 2019.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ang suspek ng Bataraza MPS at nakatakdang ipresenta sa korte para sa tamang disposisyon.