Nahuli na ng pulisya ang isang wanted person sa Bayan ng Sofronio Española kahapon ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Eliaquim “Kenjie” Jusos Precenillo, 22 anyos, may kinakasama, mangingisda at residente ng Purok Mangingisda, Brgy. Iraray ng nabanggit na munisipyo.
Inaresto ang nasabing indibidwal dahil sa paglabag sa Section 10 (a) ng Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Isinagawa ang pag-aresto sa suspek ng joint personnel ng Sofroñio Española MPS sa pangunguna ng PMaj. Randell M. Sabtula, kasama ang Palawan Provincial Intelligence Unit (PALPIU) South Tracker Team at 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (PPMFC), sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ni Regional Trial Court Branch 47 (Branch 13-Family Court) Assisting Judge Arlene B. Guillen na may petsang September 4, 2018. May inirekomenda namang piyansa na nagkakahalaga ng P80,000 para sa pansamantala niyang kalayaan.
Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya na ng Sofronio Espanola MPS ang naaresto at nakatakdang ipresenta sa issuing court para sa tamang disposisyon.