Timbog ng mga awtoridad ang apat na kalalakihan na pinaghahanap ng batas sa apat (4) na mga munisipyo sa lalawigan ng Palawan sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA), noong Martes, Hunyo 28, 2022.
Sa bayan ng Quezon sa Barangay Tabon, naaresto ng Quezon Municipal Police Station ang isang lalaki na kinilalang si Bonifacio Carpo Parilla alyas “Tito Loloy”, 21 anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Si Parilla ay mayroong Warrant of Arrest (WOA) dahil sa kasong 2 counts of Sexual Assault in relation to Section 5 (B) of R.A 7610, Under Art. 266-A (2) of the Revised Penal Code at may piyansang aabot sa mahigit P200,000.00 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Sa bayan ng Balabac sa Barangay Poblacion lV, inaresto naman ng mga operatiba ng Bataraza Municipal Police Station na kinilalang si Jerry Gonzales Dela Cruz, 38 anyos, isang mangingisda at residente naman ng Brgy. Sebaring, Balabac, Palawan.
Inaresto si Dela Cruz dahil sa kasong paglabag sa Section 102 ng RA 10654 Philippine Fisheries Code of 1998 na may kaukulang piyansa na nagkakahalaga ng mahigit p40,000.00 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Sa bayan ng Bataraza sa Barangay Marangas, arestado naman ng Bataraza Municipal Police Station, ang isang lalaki na kinilalang si Rogelio Bostria Sanidad, 63 anyos, at residente ng Barangay Rio Tuba dahil sa kasong paglabag sa Chainsaw Act Section 7(4) of RA 9175 na may kaukulang piyansa na aabot sa mahigit P48,000.00 para sa pansamantala nitong kalayaan.
At sa bayan naman ng Rizal, Palawan sa Barangay Punta Baja, naaresto ng mga awtoridad si Mark Cayao Blando, 36 anyos, isang magsasaka at residente ng Sitio Taglop, Brgy. Canipaan, Rizal, Palawan. Inaresto Blando dahil sa kasong Frustrated Homicide na may kaukulang piyansa na nagkakahalaga ng mahigit P72, 000 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Samantala, ang apat na naaresto ng mga awtoridad ay nasa pangangalaga na ng Provincial Jail para sa kaukulang desposisyon ng mga ito.