Agaw pansin ngayon ang pamumulaklak na ng ilang mga punong Balayong o Palawan Cherry Blossom na itinanim sa Balayong People’s Park.
Ipinagmalaki sa post ng City Mayor’s Office ang larawan ng mga balayong na dinarayo na rin ng mga mamamayan para kumuha ng selfie at makakuha ng instagrammable photos. Inaasahan na maraming puno pa ang sisibol at mas magpapatingkad sa ganda ng parke.
Ang punong balayong kasi ang isa rin sa sumisimbolo sa siyudad na ayon sa pag-aaral ang mga species nito ay nakatala sa listahan ng Pilipinas bilang native trees ng bansa. Maganda rin ang katangian ng mga punong ito na naihahalintulad sa pamumulaklak ng Sakura Trees ng bansang Japan.
Natatangi rin ang Balayong People’s Park kung saan hinango ang pangalan ng parke mula sa sama-samang pagtatanim nito ng mga mamamayan ng siyudad na sinumlan noong taong 2017 na kalaunan ay naging bahagi na ng taunang Balayong Tree Planting and Nurturing na isinasagawa tuwing katapusan ng buwan ng Hulyo.
Dito maraming aktibidad rin ang nagaganap kung saan nilalahukan ng iba’t ibang sektor ang mga programa, mapa-pribado man o publiko.
Ayon rin kay Architect Kristia Parangue, ang Park-In Charge ng Balayong People’s Park Management Program inaasahan na ang pamumulaklak ng balayong ay nagsisimula tuwing Pebrero hanggang Mayo. Marso rin umano ang pinaka-highlight ng mga balayong kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng siyudad at ng Balayong Festival.
“Pinaka-peak talaga ng pamumulaklak ay kapag summer time lalo na kung March. Pero hindi kasi consistent ang pamumulaklak ng mga balayong every year. Minsan namulaklak ng marami ngayong taon then next year ay kakaunti na lang pero inaasahan natin na sa mga susunod na toan ay sabay-sabay silang sisibol”, ayon kay Arch. Parangue.
Ngayon pa lamang Pebrero ay nagsisimula na ang mga aktibidad na bahagi ng 151st Anniversary ng Puerto Princesa City at ang 19th Balayong Festival sa Marso 4.